NOONG si C/Supt. Richard Albano ang hepe ng Quezon City Police District (QCPD), nasangkot ang mga pulis ng Station 11 sa isang krimen sa EDSA, Makati City.
May mga nahuli at may mga nagtatago pa hanggang ngayon. Hindi nagtagal, nasibak si Albano. Ipinalit si Chief Supt. Joel Pagdilao.
Lumipas ang higit isang buwan, isang pulis ng QCPD ang naaresto dahil sa paggamit ng droga. Sa interbyu, idiniin ng pulis na ang pinagkukuhaan niya ng droga ay mga pulis ng QCPD.
Mula noon wala na tayong nabalitaan tungkol dito.
Ano ang nangyari, Chief Supt. Pagdilao?
Nitong Mayo 7, limang pulis ng QCPD at isang sibilyang bata ng lima ay nasakote. Ang lima ay sina PO1 Christian Felipe, PO1 Antonio Soriano Timario Jr., PO1 Crispin Cartagenas, PO1 Israel Cerezo at PO1 Emmanuel Tabaro at ang sibilyang si John Mark Castañeda.
Dapat ngayon ay nakasuhan na silang anim ng extortion, illegal arrest and arbitrary detention, pawang mga kasong kriminal.
Dapat sinampahan na rin ang limang pulis ng kasong administratibo para matanggal sa Philippine National Police (PNP).
Bagitong mga pulis pa lamang ay pangingikil at kidnapping na ang lakad, sa halip na manghuli ng mga kriminal.
Ang tanong ko uli, Chief Supt. Pagdilao, ano ba talaga ang nangyayari sa QCPD?
Chief Supt. Pagdilao, inilagay ka sa QCPD makaraang masangkot sa bulgar na bulgar na krimen sa EDSA ang mga pulis ng Station 1, pero patuloy pa ring nasasangkot sa kriminalidad ang mga pulis ng QCPD.
Nasaan ang problema? Si Supt. Marlou Martinez ba ay isa sa mga problema mo?
Ipalipat mo sa Mamasapano. Baka ang forte ni Martinez ay magbantay ng mga bayang malakas sa rebelyon at terorismo?
Ngayon ko lang nabalitaan na umaksyon si Supt. Martinez. Bakit kaya?
Ang Cubao ay isa sa mga delikadong lugar dahil maraming snatcher dito. Marami pa ring rugby boy at mga bahay-aliwang walang kupas sa pag-aalok ng prostitusyon tulad ng Cuya at Flirt.
Ngunit wala pang ginawa si Supt. Martinez.
***
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: akosibadilla@yahoo.com BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA