ITINALAGA ni PNoy noon lang isang araw ang dalawang bagong commissioner ng Commission on Elections na sina Atty. Ma. Bernadette Sardillo at Macabangkit Lanto.
Inamin ni PNoy na kinausap muna niya ang mga ito bago itinalaga sa puwesto.
Inaasahan din ng taumbayan na inalam rin muna ng Pangulo ang background ng dalawa bago sila inalok hanggang sa itinalagang mga bagong Commissioner ng Comelec.
Pero mukhang hindi yata naitanong ni PNoy kay Atty. Sardillo kung papayag siya na maging Comelec commissioner bago itinalaga!
Bakit? Aba, eh, biglang bumalikwas si Sardillo at nagpahayag na hindi niya tinatanggap ang pagkatalaga sa kanya ni PNoy sa Comelec!
Kung totoo na kinausap muna si Sardillo, ibig sabihin, parekoy, hanga si PNoy sa pagkatao ng abogadong ito. Kasama ba sa dignidad ni Sardillo ang tumango sa Pangulo pagkatapos ay biglang aayaw sa appointment?
Malaking kahihiyan ito kay PNoy na inayawan ang kanyang inialok na posisyon matapos niya itong maitalaga!
Isa lang ang sapantaha ko, parekoy, posibleng mali ang assessment ng Palasyo sa paninindigan ni Sardillo. O baka naman nagkamali si PNoy na kaagad i-appoint ang isang tao na hindi pa niya napasasagot sa personal!
Heto pa, isang araw matapos italaga ni PNoy bilang Comelec commissioner si Macabangkit Lanto ay kaagad may mga kumontra rito.
Dahil ito palang si Lanto ay dating congressman na inalis sa puwesto dahil napatunayan noon ng House Electoral Tribunal na nandaya sa halalan kaya nanalo.
Hak, hak, hak, ibig sabihin ba ay mandaraya sa election?
Kung ganun, eh, bakit itinalaga na commissioner o tagapangasiwa ng election?
Dahil ba si Lanto ay tauhan o trusted ni Sen. Frank Drilon?
Tsk, tsk, tsk…mukhang desidido nga si Sen. Franklin Drilon sa kanyang pangarap na papanalunin ang lahat ng senatoriable ng Liberal party!
Opps, sandali, parekoy, noong binusisi ba ang records ni Lanto bago iniabot kay PNoy ay hindi alam nina Sen. Drilon itong record ni Lanto?
O itinago talaga nila sa Pangulo ang katotohanan?
Hindi mo rin ba naitanong, mahal na Pangulo, ang tungkol sa kanyang background noong kinausap mo si Lanto?
