IBANG klase talaga itong mga politiko natin. Kapag may lusot ay gagawan talaga ng paraan upang makapang-epal. Aba’y hindi pa panahon ng kampanya pero sunod-sunod na ang paglabas ng kanilang political ads.
Lumalabas tuloy na isang kalokohan ang ating batas laban sa premature campaigning dahil hangga’t hindi pa umano nagdedeklara ang isang kandidato ay ligal ang kanyang pagpapalabas ng political campaign advertisements.
Hindi rin kasali sa kwentahan ang salaping nagastos sa mga ganitong pangangampanya at hindi pa ito maituturing na bahagi ng campaign expense ng isang kandidato kaya’t ngayon pa lang ay kaliwa’t kanan na ang kanilang campaign ads sa radyo at telebisyon bago pa man simulan ng Commission on Elections ang audit sa kanilang nagagastos sa kampanya.
‘Ika nga nila, eh, kapag may lusot, tiyak na walang gusot!
Isang maganda halimbawa itong si Senator Alan Peter Cayetano. Aba’y noong isang taon pa ito nagpapalabas ng political ads upang ipagmalaki ang kanyang pagiging diumano’y anti-korap.
Magkano na kaya ang nagagastos nitong si Kuya Alan upang buhatin ang kanyang sariling bangko at muling bulagin ang mga Filipino na isa siyang matinong politiko? Saan naman kaya niya kinukuha ang kanyang ibinabayad sa kanyang mga political ads, eh, milyon na ang halaga ng bawat ilang segundo na campaign advertisement na lumalabas sa telebisyon?
Ngunit dahil lusot nga si Kuya Alan ay okay lang sa kanya ang kanyang pagiging epal. Ito’y isang matinding patunay na natubuan na ng kalyo ang pagmumukha nitong si Kuya Alan na nangangarap pang maging Presidente o dili kaya ay Bise-Presidente.
Okay lang naman ang pagiging ilusyonado nitong si Kuya Alan ngunit sana naman ay isulong niya ang kanyang ambisyon sa pamamagitan ng kanyang sariling merito bilang isang lingkod-bayan.
Ang problema ay naging bisyo na nitong si Kuya Alan mantapak ng ibang tao upang maisulong ang kanyang pansariling agenda. Bistado rin ang pagiging manggagamit nito sa ibang mga tao at kapag wala ka ng pakinabang ay ibabasura ka na nito.
Alam na alam ‘yan ng Ninong ni Kuya Alan na si FG na hinihiraman pa niya noon ng helicopter sa kanyang pangangampanya ngunit noong tumagilid na ang sitwasyon ay kaliwa’tkanan na ang ginawang niyang pambabatikos dito.
Ang mas nakakatuwa pa sa political ad ni Kuya Alan ay kanyang ipinapangalandakang mga ginawa sa Bayan ng Taguig. Nagtataka tuloy ako kung kelan pa naging Mayor ng Taguig si Kuya Alan, eh, hindi ba’t isa siyang senador ng buong Pilipinas?
Ibig bang sabihin sa Taguig lamang napupunta ang pondo ng Senador kaya ang kanyang accomplishment lamang sa naturang bayan ang kaya niyang ipakita?
****
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon, mag e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN