MAY balak na mag-imbestiga sa napababalitang suhulan sa Kamara para sa mabilis na ikapapasa ng panukalang Bangsamoro Basic Law.
Sa 96 na kongresman na miyembro ng Ad Hoc Committee na nagbotohan para maaprubahan sa lebel ng komite ang BBL, 17 lang ang kumontra at nakararami ang bumoto.
Pero ang pagboto umano ng nakararaming kongresman ay dinaan sa suhulan.
Ang sabi, batch by batch na pinulong ng mga taga-Malakanyang ang mga kongresman at nang dumating ang araw ng botohan, siyempre pa naging landslide ang botong pabor.
Maaaring itanong sa imbestigasyon ang lumalabas na balitang napangakuan ang mga papabor sa BBL na kongresman ng tig-P50-milyong proyekto at pwera ang P1-milyon umanong pabaon sa mga ito sa kanilang paglabas ng Malakanyang.
WHITEWASH
Pangungunahan umano ng liderato ng Kamara ang imbestigasyon.
Eh, sino naman ang makaaasa ng paglabas ng katotohanan diyan?
Sabi ng ating Uzi, ang mangyayari ay iimbestigahan ng mga kongresman ang kanilang mga sarili.
Anak ng tokwa, paano nga namang lalabas ang katotohanan diyan?
Ano ‘yang imbestigasyon na ‘yan, pang-consuelo de bobo?
IMPEACHMENT NI CORONA
Biglang nabuhay tuloy ang naganap na suhulan nang ma-impeach si ex-Chief Justice Renato Corona.
Kaya naging masipag na pumirma ang mahigit sa 180 na kongresman sa impeachment ni Corona ay dahil sa panunuhol pa rin ng Malakanyang sa mga ito.
Magkano? Ang sabi, minimum ang P10M ibinigay sa mga kongresman.
Nang magbukas ng bunganga itong si Sen. Jinggoy Estrada na nabigyan silang mga senador ng minimum ng P50M bilang insentibo, anak ng tokwa, saka lumabas ang katotohanan.
At ang katotohanan ay hindi lang pala P50M ang bigayan kundi P100M at tatlo sa apat na nabigyan ng tig-P100M suhol o insentibo ay gustong maging kandidatong Pangulo at Pangalawang Pangulo sa halalang 2016.
Kayo na, mga Bro, ang mag-ungkat ng mga balita na roon inamin mismo ang Malakanyang ang bigayan na nanggaling sa Priority Development Assistance Fund at Disbursement Acceleraton Program.
Anak kayo ng pitong tipaklong.
ILAGAY SA LILINDULIN
May mga eskwela nang pinigilan ng pamahalaan na gamitin para sa pag-aaral simula ngayong pasukan dahil sa posibleng pagdating ng lindol na lilikhain ng West Valley Fault.
Mga public at private school ang mga ito.
Pinaglilipat na ang mga bata sa mga sinasabing ligtas na lugar.
Mungkahi naman natin sa mga gusaling ito ilagay ang mga kongresman, senador at taga-Malakanyang.
Doon sila pag-opisinahin para sa paggawa ng batas at paggawa ng mga suhulan.
Kumbaga, gawin na nating One-Stop-Shop ang mga gusaling ‘yan.
At kung lumindol, bahala na sila sa buhay nila. Tutal, pawang perwisyo lang naman ang pinaggagawa nila.
TAMA LANG
Lalo na sa hanay ng mga senador, tamang-tama lang na roon sila sa mga lilinduling mga eskwela lalo na kung iisipin na nangungupahan lang naman sila sa GSIS building sa reclamation area.
Ang mga taga-Kamara naman ay bunutin sila sa gusali ng Batasang Pambansa at ilipat na rin sila sa mga nasabing gusali.
At ipalit sa kanilang opisina sa Batasang Pambansa ang mga mag-aaral na hindi na pinapasok sa mga gusaling tatamaan ng lindol.
Ang mga taga-Malakanyang, namamaho na rin sa tabi ng Ilog Pasig.
Ang polusyon sa Ilog Pasig ang lumalason siguro sa kanilang mga utak para manuhol nang manuhol sa mga kongresman at senador sa mga isyung gusto nilang desisyunan ng mga ito.
MATIRA ANG MALINIS
Kapag andiyan na ang lindol na kasinglakas ng gumiba sa mga simbahan sa Bohol ilang taon na ang nakararaan, syempre pa, magigiba rin ang mga gusali o eskwelang nakaupo sa bitak ng lupa sa WVF.
Tiyak na may kukunin si Lord sa mga ito at sasabihin nating ang matitira marahil ay ang mga malilinis ang kaluluwa.
Eh, paano nga pala ang mga kukunin ni Lord?
Maaaring karamihan sa mga ito ang masasama ang budhi dahil wala nang ginawa ang mga ito kundi pagkakitaan ang bawat batas na kanilang ginagawa at iba pang aksyon, gaya ng impeachment.
Dahil ayaw nilang ibalik ang parusang bitay, dapat sa lindol na lang sila humarap sa katarungan at ang kalikasan na lang ang huhusga sa kanila.
IMPIYERNONG TRAPIK
Sa araw na ito’y umpisa na ng pukpukang pagpasok ng mga mag-aaral sa mga iskul.
Sa Metro Manila, tiyak ang katakot-takot na trapik at mayroon ding ganito sa mga lalawigan.
Ano-ano na ba ang mga pangontra ng mga nasa pamahalaan sa problemang ito?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
