NAKALOLOKO naman itong katwiran ng mga opisyal ng Department of Education sa mga pagkakamali na naman sa mga librong ipamamahagi sa mga mag-aaral.
Minaliit lamang nila ang nasabing “error” sa pagsasabing ito’y minor na pagkakamali lamang.
Huh?!
Ano bang klaseng palusot ito ng DepEd?
Ang maliit o kaunting pagkakamali, lalo sa mga librong ibinibenta sa mga estudyante, ay may malaki pa ring epekto sa pag-aaral ng leksyon ng mga mag-aaral.
Ang mga mali sa apostrophe, comma o tuldok ay maaari nang makapagpabago sa pakahulugan ng isang salita o pangungusap.
Kahit pa sabihing hindi naman daw bobo ang mga guro para hindi ito mapansin at ma-correct bago pa ituro sa mag-aaral, hindi ito dapat hayaang kumalat sa mga estudyante.
Ngayon pa lang dapat na natuklasan ito, ayusin na kaagad.
Kung sinasabing dumaan sa masusing proseso ang mga libro at naayos na ang draft bago iimprenta, e bakit may mga lumabas na error at mga maling grammar?
Ibig-sabihin ay mayroong kapabayaan?
Kung sa bahagi ng DepEd ang pagkakamali, dapat may managot.
Kung isisisi sa nag-imprenta, kailangan silang pagbayarin.
Hindi biro ang inilalabas na pondo ng gobyerno para sa pag-iimprenta ng mga libro o textbook na inaasahang makapaglilinang ng kaalaman ng mga mag-aaral, tapos ay palpak naman pala.
May ilang katiwaliang nangyayari sa pagpapaimprenta ng DepEd ng libro sa totoo lang.
Ito ang ginagawang “bread and butter” ng mga tiwali sa ahensiya sa pamamagitan ng “pagpapatong ng presyo” ng halaga ng imprenta.
Kaya nga kaming mga magulang ay umaangal sa mahal na ibinibentang libro sa aming mga anak ay dahil sobra na itong “pinatungan” sa imprenta pa lang.
Kaya siguro sumablay na naman ang mga libro na ipinaimprenta ng DepEd ay may nangyari na naman ditong kaaliwaswasan.
Bakit hindi ito imbestigahan ng ating mga mambabatas? KANTO’T SULOK/NATS TABOY

