NAGPAHAYAG na ang mga miyembro ng Private Hospitals Association of the Philippines na hindi sila handa laban sa nakamamatay na Middle East Respiratory Syndrome.
At itinuturo nila ang mga ospital ng gobyerno na siyang dapat mangasiwa sa sakit na ito, kasabay ng buong pagsuporta nila sa anomang hakbang ng gobyerno para rito.
Anong ospital nga naman ang mangangahas na humarap sa isang sakit na mabagsik at mabilis na nakamamatay…at walang tiyak na gamot?
Kaya naman tanging ang mga ospital ng gobyerno lang ang maaasahan lalo’t obligasyon ng mga ito na harapin ang anomang panganib na dadapo sa bansa.
PASUBALI
Bagama’t todo-iwas ang mga kasapi ng PHAP sa pagtanggap sa taong may MERS-CoV, may pasubali naman silang hindi lang nila kayang tumanggap ng maraming pasyente at maaaring paisa-isa lang.
Matatandaang isang malaking ospital sa South Korea ang nagsara nitong nakaraang mga araw lang makaraang mahawa ang isang nagtatrabaho roon at maaari ring mangyari ito sa Pinas.
Isa pa, bagama’t walang diretsahang pag-amin ng PHAP, itinayo ang mga pribadong ospital para kumita sa lahat ng sandali at hindi magsara at malugi kahit isang araw lang.
Bagay na pagmumulan ng malaking katanungan kung ano talaga ang sinumpaang tungkulin ng mga doktor.
MARAMI ANG IHAHANDA
Hindi lang ang mga ospital at mga medical professional ang ihanda laban sa MERS-CoV.
Dapat ding pansinin ang mga nagaganap sa mga bansang mayroon nito, lalo na ang South Korea na isang kapitbansa.
Ang daming hindi pumapasok sa trabaho na mga obrero sa takot na mahawa sila sa sakit.
‘Yung kanilang mga mall, biglang kumonti ang mga mamimili at namamasyal.
Bumagsak nang malaki ang negosyo, sa ibang salita. Bigla ring bumagsak ang kanilang turismo.
Mahirap yatang basta ka na lang magkalagnat nang sobra-sobra, magkaplema, kakapusin ng hininga, hindi makaihi nang maayos hanggang sa matodas ka na lang.
MAY PERA SA MERS-COV
Pero para sa ilang negosyante, ‘yung pagkakitaan pa ang iniisip nila.
‘Yun nga lang face mask ay nagkakaubusan at todo-gawa ngayon ng mga negosyante rito dahil napakabili.
Siyempre pa, mga Bro, hindi rin kaya nagdadasal ang mga punerarya na mapasok ang Pinas ng sakit na ito?
At kung may mga magkandamatay-matay, eh, pagkakataon naman ng mga politiko na magpakitang-gilas sa pagtulong sa mga biktima.
‘Yun bang === libre na ang kabaong, libre pa ang serbisyo ng mga punerarya.
Yung mga gumagawa ng suwero, mga gamot na anti-plema, kidney infection at pagtatae, mga thermometer ay nag-aabang din dahil magiging mabili ang mga ito.
At anak ng pitong putakte, ang gobyerno rin tiyak ay matutuwa rito dahil kung malugi man ito sa ilang negosyo, kikita naman ito sa buwis sa punerarya at iba pang negosyo sa kamatayan at pagkakasakit.
MUNGKAHI VS SAKIT
Paano kaya kung ibala natin sa MERS-CoV ang nagpapagalingan na mga politiko?
‘Di ba, panay ang salubong ng mga ito sa mga overseas Filipino worker, lalo na kung libo-libo ang umuuwi mula sa ibang bansa gaya ng sa mga araw ng Pasko at Semana Santa?
Sila ang gagawin nating taga-salubong ngayon sa mga dumarating na galing sa Saudi Arabia at South Korea na inaatake ng sakit.
Kung hindi sila kakapitan o mahawa sa sakit, suwerte nila. Kung makakapitan o mahahawa sila, malas nila.
Lalo na ang mga korap, kasama na ang mga korap din na nagbibintang ng korapsyon sa kapwa nila korap.
Maganda sana kung masasama sila sa nasa mahigit nang 400 na kinuha ni Lord sa basbas ng sakit na ito.
Baka sakto sila na panapat sa mga kinuha na ni Lord dahil may 24 na senador, 280 na kongresman at 200 namang taga-Malakanyang at gobernador.
EL NIÑO
Nga pala, mga Bro, seryosong usapin ang pagdating ng El Niño na maaaring matapos hanggang sa Marso 2016.
Aba, mukhang matatamaan maging ang tag-ulan kaya madadale ang milyon-milyong magsasaka ng palay at mais na pinakamahalagang butil sa mahal kong Pinas.
Kung magpapatuloy ang mga sakahan sa pagkatuyo, nangangahulugan ng hirap at gutom ng milyon-milyong magsasaka.
Isa rin sa mga ibubunga nito, mga Bro, ang pagtataas ng presyo ng bigas at mais na pangunahing pagkain natin.
Kaya naman, hindi lang ang mga magsasaka ang maghihirap at magugutom kundi ang mga mahihirap ding obrero.
Akalain mo, maliit na nga ang kanilang kita, tatapyasan ng mahal na bigas ang kanilang kita.
AKSYON NG GOBYERNO
Tanong lang: may malinaw at malakas na bang programa o aksyon ang pamahalaan laban sa MERS-CoV at El Niño?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA