ANO na ang nangyari sa kwestyunableng koleksyon sa buwis ng sigarilyo na pinasisilip ni House Speaker Feliciano Belmonte para sa implementasyon daw ng “Sin Tax Law” na napabalita noon ang pandaraya sa pagbabayad ng buwis ng isang kumpanya?
Mukhang nabulok na sa basurahan ang ginawang paninilip na ito ni Speaker Belmonte?
Halos isang taon na ang nakalilipas, ni wala tayong nabalitaan kung kinasuhan na ng tax evasion ang local tobacco firm ng Mighty Corporation na ito na nandaraya raw ng buwis.
Mantakin nyo, nasilip na rin pala ito ng Bureau of Internal Revenue (BIR) pero sa hindi natin malamang kadahilanan ay inupuan lang daw ito ng nasabing ahensiya.
Magkano kaya ang naging usapan, (Picture naman ako riyan. He..he..he..he.).
Ikinagulat kasi ng mga kongresista na may hawak sa kasong ito ang biglang paglaki at paglago ng nasabing kompanyang ito matapos na maipatupad ang “Sin Tax Law.”
Sa totoo lang, hindi lang ang Mighty Corporation ang gumagawa ng ganitong pandaraya sa pagbabayad ng buwis kundi marami ‘yan.
BIÑAN, PUGAD NG ILIGAL NA SUGALAN
Sa Biñan, Laguna ay patuloy sa pamamayagpag ang sangkatutak na video-karera (vk) nina Boy Decena at Eng. Edu na pinamumunuan ng tinatawag nilang “Ama.”
Kaya hindi matibag ang mga iligal na pasugalan sa Biñan ay dahil sa may blessing daw ito ni ‘Ama.’
Simula raw nang maupo itong si Biñan Mayor Lenlen Alonte sa bayan na ito ay si ‘Ama’na raw ang nagpapatakbo ng mga kailigalan sa nasabing bayan.
Kaya naman smooth na smooth ang operasyon ng mga vk, sakla, lotteng, jueteng at bookies ng STL.
Halos kontrolado nina Decena at Edu ang operasyon ng mga vk rito.
o0o
Anomang reklamo o puna ay i-text lamang sa 09189274764, 09266719269 o i-email juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
