TAMBAK na ang mga basuraaaa… at nangangamoyyyy… na sa Santol Elementary School sa Balagtas, Bulacan at tila pinabayaan na yata ito ng mga namumuno sa barangay sa nasabing lugar.
Ito ang mga reklamo ng mga concerned parent na ating bibigyan-daan sa espasyong ito.
Heto ang reklamo na itineks sa atin.
Nais kong iparating, sampu ng mga magulang ng mga mag-aaral ng Santol Elementary School sa Bgy. Santol, Balagtas, Bulacan, ang basura sa eskwelahan na nakatambak sa may gilid lang ng gate ng nasabing eskwelahan na tila yata pinabayaan na lang at hindi kinokolekta ng trak ng basura ng aming barangay.
Sapul nang magsimula ang pasukan ay hinayaan na lang hanggang mamaho ang basura.
Kaya ang mga magulang ay humihiling sa prinsipal na si Gng. Melania Capistrano na aksyunan naman ito at sa pamamagitan ninyo ay mailapit n’yo kay Barangay Chairman Ventura ang matagal nang nakaimbak na basura.
Lubos kami umaasa sa mga kinauukulan na matugunan ang aming reklamo para ‘di malagay sa peligro ang kalusugan ng mga mag-aaral dito.
Maraming salamat po sa inyo!
PAIHI KING ‘DI TAKOT SA MAYOR AT PULIS
Nakupo, grabe ang tibay ng ‘paihi’ nitong si Danilo alyas ‘Blade’ sa Bgy. Culis, Highway, Hermosa, Bataan.
Ang balita ko, ang animal na ito’y isang Kapitan ng barangay sa nasabing lugar kaya nagagawa niya ang iligal na raket nitong paihi.
Walang sinoman ang humuhuli sa tulisang kapitan na ito dahil hawak niya ang Bgy. Culis. Kahit pulis ka o Hermosa Mayor Danny Malana ka pa ay walang pakialam si Tserman Blade dahil hindi siya natatakot sa mga ito.
Halos tatlong dekada nang ino-operate ni alyas Blade ang paihi nito sa Bataan.
***
Anomang reklamo o puna ay i-text lang sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
