O ano na ang nagaganap sa industriya ng transportasyon?
Talaga bang pera-pera lang ang nasa likod ng mga programa rito at panghuli na lang ang serbisyo publiko?
Kaugnay ito, mga Bro, ng katakot-takot na problema sa Land Transportation Office-Department of Transportation and Communications na nagiging pahirap, ikinagugutom at ikinamamatay ng mga pangkaraniwan o mahihirap na mga tsuper at may-ari ng mga sasakyan.
MAY KITA SA PLAKA
Natumbok ni Sen. Ralph Recto sa isang imbestigasyon ng Senado ang pinakamalaking problema sa programa ng LTO at Department of Transportation and Communications ukol sa P3.8-bilyong bagong plaka sa lahat ng nasa anim milyong sasakyan sa buong Pinas.
Natatandaan kong patanong na sinabi ni Sen. Recto sa mga pinuno ng LTO-DOTC: “Hindi kaya binibigyan lang ng LTO-DOTC ng pagkakakitaan ang kontraktor ng plaka?”
Ang mas nakaiintrigang tanong, eh: “Magkano naman ang sa inyo sa LTO-DOTC?”
Nakapagtatakang hindi ito isinunod ni Sen. Recto ngunit nauunawaan nating mahirap magbintang ng korapsyon kahit pa ito marahil ang tunay na dahilan ng pagkakabuo ng programa.
Paintrigang tanong pa ng senador: “Nakatutulong ba ang bagong plaka laban sa katakot-takot na trapik?”
Walang sagot kundi kamot sa ulo lang at katakot-takot ding katahimikan ang sagot ng mga taga-LTO-DOTC.
DE KALIDAD NA, NABABAKBAK PA
Hindi madaling pekehin, matibay, reflectorized at iba pang papuri ang inilalabas ng LTO-DOTC na katangian ng mga plaka.
Pero sila-sila lang na gumagawa ng programa ang nagsasabi nito.
Paano ang ‘di matibag-tibag na sabwatan ng mga taga-LTO at carnapper sa pag-iisyu ng mga pekeng plaka hanggang sa magka-doble-doble ang mga plaka o magkaroon ng mga pekeng plaka?
May mga nalalaglagan ng mga plaka sa pagsagasa ng mga driver sa baha na ‘di maayos-ayos ng Metro Manila Development Authority at Department of Public Works.
Sa kalagayang ito, matibay ba talaga ang mga plaka?
Dumarami naman ang reklamo sa madaling pagkabakbak ng mga reflectorized kuno na itim na control letter at number ng mga bagong plaka kahit isang buwan pa lang ang mga ito.
Talaga bang matitibay at magaganda ang mga plaka?
O ang matibay, maganda, reflectorized at magtatagal lang ay ang kita at tongpats mula sa P3.8B kontrata na ang mga motorista ang gagastos at hindi naman ang LTO-DOTC o gobyerno mismo?
Mga anak ng pitong putakte kayo.
‘Di ba, ex-Commission on Elections Commissioner Greg Larrazabal?
ANG TUWID NA DAAN
Ginagamit ng mga korap ang kapangyarihan ng gobyerno para sila kumita.
Ito ang tingin ng lahat ng mga may sasakyang ipinarerehistro sa LTO.
Noong una, sinasabi ng LTO-DOTC na tanging ang mga bagong sasakyan lang ang obligadong lalagyan ng bagong plaka.
Hindi pa natutuyo ang laway ng mga anak ng tokwang ito, idinamay na nila ang lahat.
‘Yun bang === pati na ang mga may bagong plaka lang.
Sabi pa ng LTO-DOTC noon, hindi na magbabayad ang mga lumang sasakyan dahil bayad na ang mga ito.
Pero pwersado na nga lahat na magbayad para sa bagong plaka: P450 sa 4-wheel pataas at P150 sa motorsiklo at traysikel.
‘Yan ang Tuwid na Daan.
TIBA-TIBA
Wala talagang puknat ang LTO-DOTC sa pagpiga sa dugo ng mga mamamayan.
Nauna sa programa sa pahirap na plaka, grabe na rin ngayon ang mga multa sa sinasabing mga paglabag sa mga batas-trapiko.
Pumunta kayo, mga Bro, sa mga opisina ng LTO at bubungad sa inyo ang nagkwadruplet at higit pa na mga multa.
Wala na ang mga P150-P300 na multa na pinakamababa sa mga maliliit na violation sa mga batas-trapiko na saklaw ng LTO-DOTC.
P1,000-P3,000 na ang minimum at umaabot sa P10,000-P50,000 ang mga maksimum.
Kung tutuusin, buhay at kamatayan ang nakataya sa bawat pagtakbo ng sasakyan kaya naman gayun na lang ang pagkaistrikto ng gobyerno sa pagdisiplina sa mga tsuper at may-ari ng mga sasakyan.
Pero sa laki ng mga multa, buhay at kamatayan din ang kapalit ng mga ito.
Hindi nakapagtatakang may itinutumbang mga taong-LTO-DOTC ng mga nawawalan ng hanapbuhay na kanilang hinuhuling tsuper na ikinadadamay ng mga may-ari ng mga sasakyan.
Dahil sa laki ng mga multa, dumarami na rin ang mga nagugutom at naghihirap na pamilya ng mga tsuper at may-ari ng mga sasakyan.
May mga namamatay nga sa gutom at nagpapakamatay na tsuper dahil sa hirap ngayon sa hanapbuhay sa manibela.
Magtanong pa kayo, mga Bro, sa mga biktima ng mala-demonyong pamemera ng LTO-DOTC.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
