ANG resulta ng mga survey ay dapat makita sa konteksto ng kamalayan, pagpili at pagboto. Siyempre, malaki na ang abante ng mga kandidatong may mga apelyidong pamilyar na sa mga tao. Mga anak at kamag-anak ng mga sikat at nanungkulang personalidad na pulitikal tulad nina Erap, JPE, Aquino at iba.
Subalit hindi naman tama na magluklok tayo dahil lang sa pangalang dinadala ng mga kumakandidato. Dapat ay kuminang din sila sa kanilang sariling liwanag at huwag umasa sa kinang ng mga sikat na ama, ina, kapatid at kamag-anak.
Kasama sa rekisitos ang angking kagalingang bunsod ng pinag-aralan, karanasan, kagalingan, at higit sa lahat kagustuhang makatulong at makapaglingkod sa mamamayan. Kung baga sa tatak o “brand” ay subok nang nananalaytay sa dugo ang paglilingkod at kagustuhang makapaglingkod.
Nawa, sa darating na Mayo, kilatisin nating mabuti ang “track record” ng mga kandidatong susuyo sa atin. Huwag tayong padadala sa mga matatamis na pangako at pambobola ng mga huwad na pulitiko.
oOo
Usaping surveys pa rin, tayo ay umaasang makapapasok ang mga matatalino, matitino at mga subok na public servant tulad ni Congressman Edgardo “Sonny” Angara.
Ayon sa talaan ng Bills and Index ng Mababang Kapulungan, si Angara, na gumradweyt sa London School of Economics, UP College of Law at Harvard Law School, ang may pinakamaraming panukala na naisabatas simula noong una itong nanungkulan sa Kongreso bilang kinatawan ng Aurora noong 2004.
Kabilang sa mga ito ang Magna Carta for Women, UP Charter, Expanded Senior Citizen Act, Free Kindergarten Act, Kasambahay Act at Tourism Act.
Bilang chairman ng House committee on higher and technical education, pinangunahan ni Angara ang pagsulong ng mga panukala na may kinalaman sa edukasyon tulad ng pagpapalawig ng pagbibigay ng scholarships sa mga Filipino, Free Entrance Exam Bill, Bill of Rights for New Graduates, Student Fare Discounts Bill at marami pang iba.
Isa siya sa mga nakipaglaban upang maitaas ang pondo (44%) na inilaan ng pamahalaang Aquino para sa State Universities and Colleges (SUCs) ngayong taon.
Nakapanghihinayang na hindi mapasama sa Magic 12 ang iilang de-kalibreng kandidato tulad ni Angara.
