MUKHANG walang choice ang Liberal Party nina PNoy at Mar Roxas kung hindi kunin si Senate President Franklin Drilon bilang ka-tandem ng asawa ni Korina.
Sa kasalukuyan kasi ay mukhang walang may gusto sa hanay ng LP na kumandidatong Bise-Presidente maliban kay Drilon, na mukhang atat ding pumalit sa puwestong iiwan ni Jojo Binay.
Noong nakaraang taon pa lamang ay panay na ang pahaging nitong si Drilon sa kanyang mga kapartido at madla sa kanyang interes sa labanan ng VP pero dehins ito pansin ng kanyang mga kadilawan, lalo na si PNoy na mukhang hindi rin naniniwalang kayang manalo ng Big Man ng Senado bilang Pangalawang Pangulo ng republika.
Bukod sa pagma-market ng kanyang sarili, ginawa rin ni Drilon ang magpa-survey noong nakaraang taon dahil gusto niya talagang makapa kung pwede niyang subukang maging panlaban ng LP bilang VP.
Tuloy-tuloy ang kilos ni Drilon hanggang ngayon kaya mukhang ‘pag sumablay sina PNoy at Roxas na kunin sa sinoman kina Grace Poe at Digong Duterte ay mapipilitan silang pagtiyagaan si Drilon, na alam naman ng lahat na hindi gaanong kalakas na materyales para i-tandem kay Roxas na nangangailangan sa kasalukuyan ng isang malakas na kakampi dahil mismong ang LP ay nahihinaan sa kanilang pambato na hanggang ngayon ay nasa ilalim pa rin ng mga survey.
###
Mukhang nasira ang kredibilidad ni Harry Roque ng UP law noong sumama siya kay VP Jojo Binay.
Kilala kasi si Roque bilang tagapagtanggol ng inaapi at kalaban ng korapsyon.
Sa ginawa niyang pagsama sa UNA ni Binay ay nakita tuloy ang kanyang pagkatao at dito nabisto na isa rin siyang oportunista na walang pinag-iba sa isang trapo.
Sayang ang pangalang inalagaan ni Mang Harry pero dahil survival ang buhay, sige na nga para makalangoy ka sa rumi ng pulitika. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
