MAGANDA ang balita mula sa ating mga kalapit-bansa gaya ng Thailand pero sa mahal kong Pinas, pasama nang pasama.
Sa Thailand, todo-bigay ang pamahalaan ngayon sa paglikha ng kuryente mula sa liwanag ng araw o solar power.
Talaga namang pinagkakaabalahan ng pamahalaang Thai ang solar power dahil sa pangamba o takot nilang mauubusan sila ng kuryente na nakabase sa langis, natural gas at uling.
Habang lumilipas kasi ang panahon, lumalabas na may hangganan ang lahat ng laman ng mga minahan sa langis, natural gas at uling samantalang walang hanggan ang liwanag ng araw, bukod pa sa libre ito at hindi katulad ng nasabing mga panggatong na napakamamahal.
KORAPSYON AT HALALAN
Anak ng tokwa, sa Pilipinas, wala nang ibang ginawa ang mga lider natin kundi ang mag-away-away dahil sa agawan ng kapangyarihan, control at pagnanakaw sa salaping-bayan at iba pang yaman ng bansa.
At maniwala kayo o hindi, hindi lamang hanggang halalan ang awayan na ‘yan kundi sa susunod pang mga taon dahil sa nauuso ngayon na pambibilanggo ng mga nasa poder ang mga kalaban nila sa kabilang bakod at pagpaparalisan ng ekonomiya ng bawat isa.
Siyempre pa, may mga gantihan na susunod at upang maagapan ang pagganti ng mga dinedemanda at ibinibilanggo ngayon, kailangan ng mga nasa poder na mapanatili nila ang kanilang mga sarili bilang pinakamakapangyarihan sa gobyerno at maging sa negosyo sa bansa para may panggastos sila sa mga labanang political at pangnegosyo.
Kasama sa mga pinag-uusapan ang negosyo dahil sa kakambal na pagpaparalisa rito ang pagpaparalisa sa kapangyarihang pulitikal.
KAHIT MAY KUDETA
Sa Thailand, alam nating puno rin ang pamahalaan nila ng mga awayan sa pulitika at uso nga pati ang kudeta.
Pero heto nga’t lumalabas na ang kapakanan ng mga Thai ang higit na iniisip ng mga lider doon.
At malayong panahon sa kinabukasan ang kanilang iniisip na inilalarawan ng kanilang pagtingin sa pangangailangan sa kuryente sa solar power kumpara sa nanggagaling sa langis, natural gas at uling.
Sabi ng pamahalaang Thai, paaabutin na nila ang kapasidad o kakayahan ng kanilang mga plantang solar sa 2,800 megawatts ngayong taon.
At panay ang bigay ng subsidyo o tulong ngayon ng pamahalaang Thai sa mga lokal at dayuhang kumpanya na lumilikha ng solar power.
MAYAMAN PERO KULELAT
Mas mayaman ang Pinas sa Thailand ng liwanag o init ng araw.
Pero tingnan naman natin, paisa-isa lang ang nagtatayo ng solar power at kung sumasali man ang gobyerno, tanging ang mag-cut ng ribbon sa mga pasinaya ang ginagawa nito.
Napakaliliit din ang nagagawa ng gobyerno palibhasa ang mga lokal na pamahalaan lang ang gumagawa nito gaya ng Valenzuela City, Malabon City at Meycauayan City?
Ang pambansang pamahalaan?
Hayun at ang planong pagbili ng mga bilyon-bilyong halaga ng mga generator na lalamon ng mahal na langis ang pinagkakaabalahan.
Sinasalakay rin ng mga ito ang mga pondong galing sa Malampaya natural gas at pinagkokomisyunan ang mga imported na uling at langis.
Wala rin itong nakikitang hakbang para kalabitin ang napakalaking gawaan ng solar panel sa Laguna upang magiging katulong sana nito sa pagpapalaganap nang malawakan at malakihan ng solar power.
Nagkaroon din tayo ng mga imbentor para sa windvane para sa windmill na paisa-isang itinatayo pero, anak ng mga tipaklong na opisyal ng gobyerno, ang mga imported ang tinatangkilik ng pamahalaan.
ALAGANG NEGOSYANTE
Ano-ano ba talaga ang mga nasa likod ng bantulot na paghakbang ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng solar power at iba pang pagkukunan ng kuryente sa kalikasan gaya ng tubig, hangin at iba pa?
Mayroon bang kinalaman sa mga naglalakihang negosyante sa kuryente na walang ibang iniisip kundi pigain ang dugo ng mga Pinoy bilang pagkukuwartahan?
Halimbawa, gumawa ang Pilipinas ng batas na Electric Power Industry Reform Act para umano magiging mura at sobra o sapat ang kuryente sa Pinas.
Anak ng tokwa, kabaligtaran ang nangyayari: pinakamahal na nga sa Asya ang kuryente natin, panay-panay pa ang mga brownout at blackout, lalo na sa Mindanao.
Lumalabas na sa labanan o tunggalian ng mga mamamayan at mga negosyante sa kuryente, higit na pinapaboran ng pamahalaan ang huli.
At ang masama, tila walang balak ang gobyerno na gawing patas ang kapakanan ng mga negosyante at mamamayan.
KITA DINURUKOT
Dahil ba sa dambuhala ring kita ng pamahalaan sa mga buwis, prangkisa at iba pang sinisingil nito sa mga negosyante ng kuryente na sa katunayan ay kinukubra nito sa mga mamamayan sa bisa ng valued added tax?
At saka dinudukot ng mga korap ang mga ito?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
