HIRAP si Sec. Mar Roxas na umarangkada sa pagka-Pangulo, maski na siya ay apo ng mga namayapa nang sina President Manuel Roxas at anak ni Senador Gerry Roxas.
Sina Manuel at Gerry Roxas ay mga palaban samantalang si Mar ay super hinahon. Mga orator at debater ang kanyang lolo at ama, mga katangiang lubhang kailangan ng mga taong naghahangad na mamuno sa gobyerno.
Walang katangiang ganyan si Mar sa aking pakiwari. Wala ring ganitong katangian si Pangulong Noynoy Aquino, hindi katulad ng kanyang amang si dating Senador Ninoy Aquino na talagang palaban.
Gayundin naman si Vice President Jejomar Binay. Wala silang mga boses na dumadagundong kapag sila’y nagsasalita na. Hindi captivating ang kanilang tinig.
Wala silang eloquence sa aking opinyon, isang eloquence na lubhang kailangan upang makaakit ng mga botante, bata man o matanda.
Ang pinakapopular na politiko ngayon ay si Senadora Grace Poe at ‘yon ay dahil lamang sa siya’y anak nina Fernando Poe, Jr. at Susan Roces.
Maliban diyan sa factor na ‘yan ay wala pang napatutunayan si Grace.
Kung sakali mang tuluyang tumakbo na si Grace Poe, ang kailangan niya ay mga pick-up line na tatatak sa isipan ng madla, botante man o hindi. In contrast, kayraming quotable quotes sina FPJ at Erap Estrada, maski na likha lamang ito ng kanilang mga script writer.
Dalawang ulit nang napaiyak si Mar. Una ay sa kanyang Club Filipino proclamation. Ang pangalawa ay ang kanyang resignation sa puwesto niya bilang cabinet member ni Noynoy.
Uso pa rin ang iyakan sa mga teleserye at lalo na sa mga pelikula, ngunit bihira akong makakita ng mga lalaking umiiyak sa publiko. Payo ko lamang kay Mar. Itigil mo na ang iyong pag-iyak, drama man ito o hindi. Paliwanag ni Mar, “Sadya lamang pong mababa ang aking luha.”
In short, kailangan natin ang isang Presidenteng hindi takot sa China, sa mga drug syndicate, sa mga kriminal at mga kawatan sa gobyerno. DEEP FRIED/RAUL VALINO
