ANG bersyon ng Bangsamoro Basic Law ni Senador Bongbong Marcos na iprinisinta sa mga kasamahan noong Lunes ay nagbigay sa kontrobersiyal na panukala ng bagong pangalan at 80 porsyento umanong pagbabago sa nilalaman nito.
Tinawag niya itong “Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region” na may 100 pahina, 17 artikulo at 215 seksyon. Resulta ito ng 15 public hearing na isinagawa sa Senado, Cotabato, Sulu at Zamboanga City.
Matapos busisiin ang draft bill na isinumite ng Malacañang sa Kongreso, tiniyak ni Marcos na sa kanyang bersyon ay magkakaroon ng maayos na transisyon mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao patungo sa gobyernong Bangsamoro.
Ayon kay Marcos, hindi tulad ng draft BBL na nakapokus lamang sa Moro Islamic Liberation Front, sa kanyang bersyon ay kabilang ang mga sultanato, tribo, gobyernong lokal at negosyante na pawang nakaligtaan.
Sa katunayan, nagdagdag pa si Marcos ng probisyon na kikilala sa mga karapatan ng mga sultanato sa kanilang titulo bilang sultan, partisipasyong pampulitika sa gobyernong Bangsamoro at nakareserbang puwesto sa parliamento.
Ang kontrobersiyal na probisyon sa draft BBL ng Malacañang na nagbibigay sa teritoryo ng P17-bilyong Special Development Fund na binatikos ng marami nang kung ilang ulit ay ibinasura ni Marcos.
Gayunman, ang pangunang pondo na P1-bilyon para sa transisyon sa gobyernong Bangsamoro ay nanatili sa bersyon ni Marcos.
Ang normalization provision na kasama ang pag-decommission ng pwersa ng MILF at pagsuko ng kanilang mga armas ay dapat daw maging pangunahing probisyon at hindi annex lang sa kasunduang pangkapayapaan.
Ang may 26,000 na lingkod-bayan tulad ng mga guro ay mawawalan ng trabaho sa pagbuwag ng ARMM. Para mabigyan sila ng proteksyon sa maaalis sa trabaho, bibigyan sila ng oportunidad sa naturan ding mga posisyon na bubuksan sa ilalim ng gobyernong Bangsamoro. Ang mga nanaising magretiro nang maaga ay bibigyan din ng kaukulang benepisyo na dapat nilang matanggap.
Ito ay bahagi lang ng mga pagbabago na ginawa ni Marcos sa kanyang pamalit na panukala.
Ang tanong: mananaig kaya ito sa draft na sinusuportahan ni President Noynoy Aquino na magbibigay sa MILF ng kontrol sa malawak na bahagi ng Mindanao?
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.