AAMININ ko…opo…isa po akong adik sa “AlDub” loveteam sa paboritong programa sa tanghalian ng bayan na Eat Bulaga.
Ang “Aldub” fever ang bagong kinababaliwan ng bayan. Ang AlDub ay pinagsamang karakter nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub), ang pambansang Yaya ni Lola Nidora (Wally Bayola) sa kauna-unahang teleserye sa kalye ng Juan for All, All for Juan ng EB.
Ang lakas ng hatak sa manonood ng Kalye-Serye ng “AlDub” loveteam na tunay nga namang nakakikilig kaya trending ito, hindi lang nationwide kundi worldwide.
Ayon nga kay EB host Joey de Leon, tumitigil ang trapik at walang nangyayaring krimen sa oras ng pag-ere ng Kalye Serye sa TV.
Kagaya ito ng paghinto ng orasan sa tuwing may laban si Manny Pacquiao, ika nga ni Joey. Grabe!
Noong nakaraang Sabado, halos huminto ang inog ng mundo sa inaabangang Yaya Dub at Frankie Amoyi Arenoli (Jose Manalo) o “Yakie” wedding.
Inabangan kasi rito ang pagkikita na sana nina Alden at Yaya Dub pero hindi natuloy dahil totoong hinimatay si Yaya sa harap ng altar.
Mabuti na rin daw at nangyari ito dahil hindi natuloy ang sapilitang pagpapakasal ni Lola Nidora kay Yaya Dub kay Frankie dahil tunay nga namang yakie ito. Hehehe!
Ibig-sabihin, tuloy ang pakikikipaglaban ng pag-ibig ni Alden kay Yaya Dub. Tuloy ang nakakikilig nilang kwento at pagtatagpo sa “takdang panahon”.
Napakasayang manood ng kauna-unahang “Kalye-Serye” na ito ng Eat Bulaga dahil tatawa ka nang tatawa.
Sa gitna kasi ng nakasusuyang usaping pampulitika, pambobola ng “Matuwid na Daan” ni PNoy, nakaiinit ng ulong aberya sa MRT/LRT at trapik sa Metro Manila, may ganitong palabas sa telebisyon na nakapagbibigay naman sa atin ng kasiyahan.
Nalilimot ng mga taong gutom ang gutom, nalilimutan ng mga kriminal na gumawa ng krimen at nalilimutan natin ang mga problema dahil sa komedyang palabas na ito.
Mabuhay kayo riyan sa Eat Bulaga. “AlDub” pa more!! KANTO’T SULOK/NATS TABOY
