MAY nag-add ba sa iyong Facebook account na maganda at sexy o kaya ay gwapo at macho pero hindi mo kilala? Aba’y bago maging feeling gwapo o maganda ay mag-isip ka muna bago mo pindutin ang “confirm friend request”, baka target ka na pala ng mga kawatan!
Sa mga hindi pa nakaaalam, ito ngayon ang modus operandi ng mga magnanakaw ng pagkakilanlan o thieves identity. Kalat na kalat na ang ganitong modus, lalong-lalong na sa Facebook na halos nakabuyangyang na ang buong pagkatao ng marami sa ating mga kababayan na gumagamit.
Ultimo ulam nilang itlog at tuyo ay nakaladlad sa kanilang Facebook status at maging ang kanilang bangayan sa kanilang mga asawa, magulang at kapitbahay.
Ang hindi nila alam ay sinusubaybayan pala ang kanilang mga kilos at mino-monitor ang kanilang mga binibili, pinupuntahan at malalapit na kaibigan. Binubuo nila ang pagkatao ng kanilang biktima upang ganap na makuha ang pagkakilanlan nito. Aalamin kung sino-sino ang mga kaibigan at kamag-anak ng biktima at malamang na maging sila ay magiging “Facebook friend” ng kawatan.
Ang isang madalas na raket ng mga tarantadong ito ay ang magpanggap na isa sa mga kamag-anak o kaibigan ng kanilang target na biktima.
Padadalahan nila ng text message ang kanilang biktima upang manghingi ng pera o load dahil sa gawa-gawang emergency (andyan ‘yung nanakawan daw sa mall at walang pamasahe pauwi o kaya’y nadisgrasya sa isang malayong lugar at kailangan ng pampaospital).
Mangangako pa ang mga iyan na dodoblehin nila ang kanilang bayad sa hihiramin na pera o load.
Gigimik pa ang mga iyan na tatawag saglit sa iyo pero puputulin din agad. Kabisadong-kabisado rin nila ang pagkatao ng kanilang gagayahing kamag-anak o kakilala kaya talagang mapaniniwala nila ang kanilang biktima.
May isa ring raket ang mga tarantadong ito na mangopya ng mga litrato ng mga mamahaling gamit na ipino-post ng kanilang biktima sa kanilang Facebook account gaya ng mga gadget, alahas, damit, sapatos at kung ano-ano pa.
Ang siste, ipo-post din nila ang mga ito sa mga online selling site at forum at ibebenta ito ng napakamura.
Kapag may kumagat ay sasabihin nilang nasa malayo silang lugar at ang tanging paraan para matuloy ang transakyon at pamamagitan ng shipping gaya ng LBC. Hihimukin ka ngayon na magbayad ng downpayment bago niya maaaring ipadala ang kanyang ibinebenta na kinopya lang pala sa kung kaninong Facebook account.
Marami pang ibang katarantaduhan ang ginagawa ng mga fulltime scammer na ito kaya gamitin po sana ang ating utak upang hindi maloko.
Kailangang maging maingat din po sa ating tinatanggap na mga friend request sa Facebook account upang hindi maging biktima ng mga panloloko.
***
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestiyon, mag-e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN