TOTOO PO ITO. Sa darating na Mayo 2016, iboboto ko si Mar Roxas sa pagka-Pangulo ng bansa.
Nasorpresa man kayo o magalit sa akin, iboboto ko talaga si Roxas sa darating na eleksyon kahit wala pang pumayag na kapwa niya politiko na maging bise-presidente niya!
(Tanong lang muna Boss Mar. Bakit ayaw pumayag sa iyo nina Grace Llamanzares, Vilma Santos, Rodrigo Duterte, Miriam Defensor-Santiago, Chiz Escudero at Len Robredo? Hindi na bale. Iboboto pa rin kita!)
Ewan lang sa mga botante kung bakit ayaw nila sa iyo, eh. Makamasa ka naman, hindi ba?
Hindi nga mabura sa utak ko tuwing nagpupunta ka sa palengke noong DTI secretary ka, eh.
Gusto mo, mura lang ang lahat na pangunahing bilihin. Dahil diyan, kinilala kang BOY PALENGKE.
Ipinakita mo lalo na mahal mo ang maralita nang minsan, sa harap ng maraming kamera ng diyaryo at telebisyon, namasada. Dahil diyan, binansagan ka ring BOY PADYAK.
Lalo kitang hinangaan noong nagmahal ang bawang at sibuyas. Pinatunayan mo ang pagiging mahusay mong lider. Dahil diyan, nagbuhat ka ng sansakong sibuyas at tinawag kang BOY SIBUYAS at BAWANG din.
Sabi mo nga, TAPAT KA SA BAYAN, lalo na sa mga kaibigan na handa kang MAGPARAYA anytime. Wow.
Pero teka, Sec. Mar, tototohanin mo ba ang iyong mga binibitiwan na pangako ngayon na itutuloy mo ang programa ng kaibigan mong Pangulo ngayon? Si Benigno Aquino III, ano ka ba?
Sabi mo, mahusay ang kanyang MATUWID NA DAAN. Sabi mo itutuloy mo ang kanyang mga programang PPPP, 4Ps, AFP-PNP modernization program at lahat na inaangkin niyang proyekto na natapos pero hindi naman talaga niya sinimulan kundi tinapos lang.
Ibig mo bang sabihin, kapag ikaw na ang Pangulo, idaraan mo rin ang taumbayan sa MATUWID NA DAAN ni PNOY? O sige nga, ituro mo nga ang daan patungo sa inyong Matuwid na Daan?
Okay na rin kung wala kang maituro, Boss Mar. Ipagtapat mo na lang ang TOTOO SA BAYAN na pinakamalala ang korapsyon ng rehimeng Aquino ngayon kaysa nagdaang apat na administrasyon.
Na totoong naubos sa walang kuwentang mga programa ang pera ng mamamayan at sa halip ay nagkanya-kanyang bulsa lamang sila. Sabihin mo kung papaano winaldas ang pera nina Juan at Maria, ‘yung totoo!
Kapag ginawa mo iyan, Mar Roxas, ikaw ang iboboto ko talaga. Kapag hindi, kasama ka ng rehimen na kasumpa-sumpa sa mga dahon ng ating kasaysayan! MGA KORAP!!! BALETODO/ED VERZOLA
