MATAPOS magprotesta nang apat na araw, nagpahayag ang Iglesia Ni Cristo (INC) noong Lunes na tinatapos nila ang mga rally dahil may kasunduan na sila at ang gobyerno.
Nagdiwang ang mga kasapi ng INC dahil nangangahulugan itong tagumpay ang kanilang protesta. Natural ding isipin ng publiko na anoman ang kagustuhan nila ay ibinigay ng gobyerno, kapalit ng pagpapahinto sa lumalaking bilang ng nagpuprotesta sa EDSA.
Ayon kay Ronilo Riego, isang ministro mula Misamis Oriental na sumama sa protesta sa Davao, ay ayaw nilang lumikha ng gulo kung hindi makikialam ang gobyerno sa kalayaan nila sa relihiyon. Mayroon daw silang sariling korte at paraan ng pagdidisiplina, na para ring sinabi na hindi sila saklaw ng batas.
Itinanggi ng Malacañang na may kasunduan, maliban sa nagkalinawan ang gobyerno at mga lider ng INC sa mga isyu.
Sina Trixie Angeles at Ahmed Paglinawan, mga abogado ng dating ministro ng INC na si Isaias Samson, ay nag-aalala na ang sinasabing kasunduan ay maaaring maging daan para humantong sa “no probable cause” ang kasong “serious illegal detention” na isinampa ng kanilang kliyente laban sa walong lider ng sekta.
Ang pananatiling tahimik sa napagkasunduan ay lalong mauuwi sa mga haka-haka na nabigo ang gobyerno na manindigan at natalo sa isang makapangyarihang sekta.
Isang reaksyon na ipinadala sa e-mail ay umaayon sa pananaw na ang mga miyembro ng Iglesia ay iniligaw ng kanilang mga lider, tulad ng ibang opisyal ng gobyerno na nagtatangkang itago ang kanilang pagkakasala sa pamamagitan ng “diversionary tactics.”
Tinukoy nito na maging si Hesus ay inutusan ang isang disipulo na ibaba ang espada nito at pinayagan ang Sarili na maaresto at litisin, na kabaligtaran sa itinuturo ng mga lider ng INC sa kanilang mga tagasunod.
May mga naniniwalang ang mga protesta ay desperadong hakbang ng mga lider upang makaiwas sa anomang kriminal na pag-uusig.
Ang iba ay nangangamba na maaaring nakompromiso na ang ating hustisya at nawalan ng kapangyarihan laban sa biniyayaang sekta.
Malaya nilang ininsulto ang gobyerno nang walang takot sa mga protesta, kung saan nabugbog minsan ang isang ABS-CBN cameraman ng tatlong lalaking may dalang plakard. May kinasuhan ba bunga nito?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
