PARAMI nang parami ang mga nagsusulong sa kandidatura nina Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte na marami pa rin ang naniniwalang tutuloy pa rin itong tumakbong Pangulo sa kabila nang pahayag nitong hindi siya interesado na maging pinuno ng bansa.
Sakaling magdesisyon ang dalawang personalidad na kumandidato bilang pinakamataas na posisyon sa ating bansa ay tiyak na sila ring dalawa ang magpapaligsahan kung sino ang magiging Pangulo ng ‘Pinas.
Lumalabas kasi sa mga isinasagawang survey na sina Poe at Duterte ang palaging naglalabanan sa unahang posisyon kaya malamang na silang dalawa rin ang maglalaban sa 2016 sakaling magtuloy ang mga itong kumandidato.
Naging matunog ang pangalan ni Duterte dahil sa mahigpit na pagpapatupad nito ng batas sa kanyang nasasakupang lugar kaya kinikilala ngayon ang Davao City bilang isa sa pinakatahimik na lugar sa buong mundo.
Maging ang mga kriminal na nagtatago sa lungsod ni Duterte ay isa-isang nawala at sinasabi pa na napatay na ang mga ito at ang itinuturong may kagagawan ay ang kanilang mayor ngunit hindi naman ito mapatunayan hanggang ngayon.
Samantala, si Poe naman ay nakilala dahil na rin sa katanyagan ng kanyang yumaong ama na si Fernando Poe, Jr. at naging matunog din ang pangalan ito nang manungkulan bilang chairman ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Dahil sa pagiging matunog ng pangalan ni Poe ay naging no. 1 ito nang tumakbong senador noong 2013 kahit na ito pa lamang ang kanyang unang pagtakbo sa anomang posisyon sa gobyerno.
Nang nasa Senado na ay hindi rin basta-basta nagpalamang si Poe kung sa trabaho rin lamang ng mga senador ang pag-uusapan, nagmistula pa nga itong hindi baguhan.
Hindi rin nasasangkot sa anomang anomalya ang pangalan ni Poe kaya patuloy ang pagdami ng mga sumusuporta sa kandidatura nito at malaki ang posibilidad ng panalo nito sakaling magdesisyon kung anoman ang plano nitong takbuhin. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO