GRABE na talaga ang traffic sa Metro Manila. Saan ka naman nakakita ng bansa sa planet Earth na kahit bike at tao ay natatrapik na rin?
At kung noon ay may oras lang ang halos ‘di na gumagalaw na daloy ng mga sasakyan sa ating mga daan, ngayon ay halos 24/7 na.
Ayon sa ating pamahalaan, kailangan nating magtiis nang kaunti dahil ang matinding traffic sa Kamaynilaan ay bunsod na rin ng kaliwa’t kanang proyekto gaya ng SkyWay, ang Expresslane sa NAIA, ang LRT extension projects sa Cavite at sa Marikina at kung ano-ano pa na siyang dahilan kung bakit kinakailangang bawasan o dili kaya ay isara ang ibang lane ng ilan sa ating mga pangunahing lansangan.
Sa totoo lang ay maganda naman ang mga ganitong proyekto ngunit ang mga ito ay pansamantalang solusyon lamang sa isang problemang ang kailangan ay isang permanenteng solusyon.
Napakaraming oportunidad at napakalaking halaga ng salapi ang nawawala sa ating mga kababayan at sa ating pribadong sektor dahil sa problema sa traffic.
Kahit ilang kalsada ang itayo natin hangga’t wala tayong maayos na phase-out system sa ating mga sasakyan ay mapupuno at mapupuno pa rin ang mga ito sa ‘di kalaunan. Dahil na rin sa mga napakababang downpayment upang makabili ng kotse, daan-daang sasakyan ang nadaragdag sa ating mga lansangan araw-araw.
Saan naman natin isisiksik lahat ang mga ito, eh, kahit mga sasakyang pupugak-pugak at mas nararapat na ilagay na lang sa mga museo ay nakikita pa nating pilit na ibinibiyahe. At kapag nabalaho sa kalye ay isa pa silang dahilan ng problema sa trapiko.
Kinakailangang manindigan na ang ating pamahalaan upang tanggalin na kahit sa Metro Manila man lang ang mga lumang sasakyan. Bukod sa nagiging dahilan pa ang mga ito ng matinding polusyon ay kinakailangan na talagang bawasan ang mga sasakyan na bumibiyahe sa Kamaynilaan.
Gayunpaman, kailangan din namang bigyan ang ating mga kababayan ng maayos na mass transport system upang sa gayon ay mas nanaisin pa nilang sumakay sa mga pampublikong transportasyon sa halip na magkotse.
Kailangan ding pag-aralan na ng ating pamahalaan ang pagkakaroon ng iba’t ibang work schedule hindi lang sa pribadong sektor kundi maging sa mga opisina ng gobyerno para hindi sabay-sabay ang pagdagsa ng mga taong gagamit sa ating mga kalsada.
Kaakibat naman nito ay ang mas matinding pagbabantay ng ating kapulisan upang kahit sa gabi at sa madaling-araw ay ligtas ang ating mga lansangan.
Napakarami pang maaaring gawin upang mabigyan ng permanenteng solusyon ang problema. Ang problema, patuloy tayong nakabaon sa ating mga maling kinagawian at ang pamahalaan naman natin ay tila kinukunsiti ito dahil takot sa mga protesta ng mga maiingay sa kalsada na wala namang talagang alam kundi manggulo at magpapansin.
Hangga’t ganito ang ating sistema, kahit 10-palapag na EDSA ang ating itatayo ay tiyak na problema pa rin ang traffic sa Metro Manila.
***
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestiyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com BIGWAS/GIL BUGAOISAN