ISA sa mga aabangan sa halalang 2016 ang laban sa Distrito 4 ng Quezon City sapagkat naghain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) si Kon. Bong Suntay bilang kongresista upang labanan si Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte.
Tatakbo uli si Belmonte para sa ikatlo at huling pagkakataon bilang kongresista.
Matagal nang konsehal si Suntay. Ngunit, hindi ko alam kung ang haba at tagal ng kanyang pagiging konsehal ay ganoon din karami ang naihain niyang panukalang batas (ordinansa) sa Sangguniang Panglungsod ng QC.
Bukod sa pagiging konsehal, may-ari rin ito ng malaking kumpanya ng taxi.
Matagal na ring politiko si Belmonte. Marami nang nagawa si Belmonte.
Isa na rito ay nang maging alkalde siya ng QC mula 2001 – 2010 kung saan ‘nalinis’ niya ang utang ng Pamahalaang Lungsod ng QC na iniwan ni Mel Mathay. Napaunlad at naiangat ni Belmonte ang bagsak na pondo ng QC.
Ang hindi ko lang nagustuhan kay Belmonte ay ang pamumuno nito sa Kamara del Representantes nitong ikalawang termino niya (2013 – 2016) dahil maraming panukalang batas ang hindi naipasa ng Kamara.
Dalawa riyan ang mungkahing Anti-Dynasty Law at Freedom of Information na parehong napakahalaga.
Mayroon ding mga panukalang resolusyon na nananawagang maglunsad ng imbestigasyon sa mga kawalanghiyaang nangyayari sa pamahalaan tulad ng umano’y talamak na pasugalan sa economic zone, smuggling sa Bureau of Customs at Laguna Lake mega dike project, subalit hindi pa nasisimulan ang mga ito.
Sa kabila ng mga kapalpakang ito sa Kamara, tiniyak ni Manuel “Mar” Roxas II na kung manalo siya sa pagka-Pangulo sa 2016, si Belmonte pa rin ang speaker ng Kamara.
‘Malakas’ si Belmonte, kaya hindi ko alam kung bakit naglakas-loob si Suntay na banggain ito.
Tiyak may dahilan si Suntay at iyan ang aalamin natin sa QC.
Abangan…
PARA SA MUSLIM (DIN) ANG ‘TAO ANG UNA’
Maganda itong desisyon ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan na bumuo ng Caloocan City Muslim Affairs Coordinating Center (CCMACC) dahil nangangahulugang mayroon nang opisina sa Pamahalaang Lungsod ng Caloocan na tututok sa interes at kagalingan ng mga Muslim sa Lungsod ng Caloocan.
Sabi nga ni Mayor Malapitan, ang CCMACC ay binuo para magsilbi sa interes, kagalingan, pagkilala ng kultura at tradisyon ng Muslim, at panrelihiyong usapin ng Muslim.
Binanggit din ni Malapitan na ang CCMACC ay kongretong ebidensiya na ang prinsipyo at paninindigan ng ‘Tao ang Una’ ay para sa lahat ng residente ng Caloocan, kabilang na ang mga Muslim.
Tama ‘yan, Mayor Malapitan, na ang gabay ng iyong administrasyon na ‘Tao ang Una’ ay para sa interes at kagalingan ng lahat ng residente ng Caloocan.
XXX
Problema at reaksiyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: akosibadilla@yahoo.com, o bisitahin ang: NSBADILLA.BLOGSPOT.COM BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA