NOONG Lunes, Nov. 2, ikinagulat ng mga kawani ng Malabon City Hall (kasama na ako) ang pagdating ng Malabon medical team.
Kinabog ang lahat dahil ang kanilang dala-dalang stretcher ay lulan ang isang pulis na nakasuot ng SWAT uniform.
Bago pa mamangha ang mga kawani, kaagad namang nagpaliwanag ang pulisya ng Malabon tungkol sa pulis na naka-stretcher.
Siya pala’y si Police Officer 1 Maina Ponchinlan, miyembro ng Light Reaction Unit (LRU) (na mas kilala sa tawag na SWAT).
Sa nakaraang Monday flag raising service ng Malabon City government, si Ponchinlan ang naging sentro ng seremonya.
Sa pangunguna ni Mayor Lenlen Oreta, siya’y pinarangalan sa pamamagitan ng pag-abot at paggawad sa kanya ng ‘citation.’
Si Ponchinlan ay miyembro ng SWAT na nakipagbakbakan sa notoryus na ‘Jong Sangre’ criminal group noong Agosto 19.
Durog ang buto ng kaliwang binti na nangangailangan ng mahabang panahon para sa tuluyan niyang paggaling sa tinamong sugat.
Naunang nang pinarangalan si Ponchinlan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pamumuno ni Dir. Joel Pagdilao.
Nasundan pa ang pagbibigay rin ng parangal ng Northern Police District (NPD) sa naturang pulis mula sa Ifugao province.
‘Di naman natin pinapangunahan si Dir. Gen. Ricardo Marquez dahil may criteria ang pag-iisyu ng spot promotion sa mga pulis.
Pero sa tingin natin, si PO1 Nixon Maina Ponchinlan, na may badge number 224538 ay dapat maging recipient ng spot promotion.
Ang ipinakitang tapang ng naturang pulis sa pakikipagsagupa sa kinatatakutang ‘Jong Sangre’ group ay maituturing na pambihira.
Ang pagkamatay ng lider ng grupo at pagkakahuli pa ng iba nilang miyembro ay naganap dahil kay Ponchinlan at mga kasamang SWAT.
At dahil sa sagupaan, nangibabaw at bumango ang PNP sa tingin ng taumbayan.
Sa patuntunan ng PNP, ‘di papasa ang pagpapakabayani ni Ponchilan nang makipagsagupa ito sa mga criminal.
Pero kung ang taumbayan ang tatanungin, si Ponchinlan ay dapat na siyang tawaging Police Officer 2 Nixon Ponchinlan.
Mangyayari kaya ang inaasam natin para kay Ponchinlan?
Si Gen. Marquez ang makasasagot niyan! CHOKEPOINT/BONG PADUA