KUNG naniniwala talaga ang China na ito ang nagmamay-ari sa halos kabuuan ng South China Sea, noon pa sana ito inangkin at sinimulan ang malawakang “reclamation activities” para makalikha ng mga artipisyal na isla, kahit sa lugar na sakop ng ibang bansa.
Nang piliin ang ligal na solusyon sa agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea, nagsampa ng kaso ang ating gobyerno sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hague noong 2013.
Noong Huwebes ay nagdesisyon ang PCA panel na may hurisdiksyon ito at pwedeng dinggin ang kaso.
Ibinasura nito ang argumento ng China na ang pinagtatalunan ay kaugnay ng pamumuno sa teritoryo at labas sa awtoridad ng tribunal.
Ang desisyon ay maligayang tinanggap ng mga Filipino, lalo na ng mga mangingisdang nakasilip ng pag-asa matapos pagmalupitan nang paulit-ulit ng China na nagbawal sa kanilang mangisda sa sarili nating karagatan.
Kinabukasan, isang Chinese diplomat ang nagpahayag na ang China ay hindi sasali o tatanggapin ang kaso.
Inaasahan na ito dahil ang desisyon ng PCA ay malaking dagok sa pang-aangkin ng China, batay sa makasaysayan umanong “nine-dash line” na kumakamkam sa halos 90 porsyento ng pinag-aagawang karagatan.
Alalahanin na nagsampa ng kaso ang Pilipinas upang madesisyunan ang karapatan nito sa teritoryo batay sa 200-nautical mile exclusive economic zone na itinakda para sa bawat bansa sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Kapag nagdesisyon ang panel sa mga susunod na pagdinig sa merito ng mga argumento ng ating bansa, na pawang ligal at kinikilala sa ilalim ng pandaigdigang batas, pinaniniwalang ang China at ang ipinagyayabang nitong nine-dash line ay tapos na.
Hindi mawawala ang hurisdiksyon ng PCA sa kaso kahit iboykot ng China ang mga pagdinig.
Ang Pilipinas at China ay kapwa kabilang sa UNCLOS at nararapat sumunod sa mga patakaran nito.
Pero tila maliwanag na ang kinikilala lang ng China ay sarili nitong mga batas at wala nang iba pa.
Kapag nagdesisyon ang tribunal na pabor sa Pilipinas, matutuon ang atensyon ng buong mundo sa China.
Mananatili ba itong palaban kahit sa pandaigdigang batas at patuloy na maghahari-harian sa South China Sea? Ito ang ating aabangan…
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.