TOTOO kayang nagrerebelde lamang ang anak ng yumaong Iglesia Ni Cristo Political Affairs leader na si Ka Lowell Menorca?
Kamakailan ay lumabas ang anak ni Menorca na si Lowell Menorca II upang pasabugin ang mga isyu sa umano’y pagdukot sa kanyang buong pamilya kung saan idinamay pa nito ang 3 pulis-Kyusi.
SUPORTANG PULITIKAL
Sa isang kwentuhang barbero ay nakapanayam ng ULTIMATUM ang isang opisyal ng INC at sinabing dati ngang naghaharing uri ang yumaong Lowell Menorca na masakit mang aminin ay ito ang nilalapitan umano ng mga politiko para kunin ang suportang pulitikal ng INC.
Sa madaling salita, anomang suporta ang maibigay ay may kapalit umano itong pabuya na hindi naman basta makumpirma dahil sa lalim na nagaganap na transaksyon.
NABUKING NI KA ERDY
Nakarating daw sa kaalaman ng yumaong si Ka Eraño “Erdy” Manalo ang ginagawa ng matandang Menorca kaya bilin ng Ka Erdy sa anak na si Ka Eduardo na aksyunan ito sakaling siya na ang magiging susunod na tagapamahalang pangkalahatan (Executive Minister).
Sa isang istorya na hindi natin alam kung paninira lang talaga o kaya’y totoo, inutusan umano ng matandang Menorca ang isang heneral para tawagan ang negosyanteng alyas ‘RSA’ nang kumandidato ang amo nito bilang Pangulo ng bansa.
KULANG ANG BIGAY
Heto ang naging usapan…
Menorca: “General, tawagan mo nga si RSA, kulang ‘yung pinadala n’ya.”
General: “Boss kulang daw ‘yung pinadala mo.”
RSA: “Anong kulang? Eh, blank check ‘yung pinadala ko ah!”
Agad ipinasa ni General ang telepono kay Menorca…
“Hindi! Kulang ‘yung mga parapernalya at sample ballot na pinadala mo!”
Patay! WOW MALI!
Nabuking ni General!
NAAWA PA KAY MENORCA
Hayun! Nang makarating umano kay Ka Erdy ang pangyayari, nanlumo ito ngunit pinahalagahan pa rin ang malalim na pinagsamahan pero bago ito pumanaw ay hindi nito nakalimutang ibilin sa anak ang sitwasyon.
Naging maunawain pa rin umano ang pamunuan ni Ka Eduardo kung saan sa halip na itiwalag ang matandang Menorca ay itinapon na lamang ito sa Canada.
Hindi umano itiniwalag si Menorca dahil binigyang-halaga pa rin ang nagawa nitong serbisyo sa INC, sa kasamaang-palad ay doon na pumanaw ang dating mataas na opisyal.
PAGHIHIGANTI
Base sa bulong-bulungan, hindi umano matanggap ng batang Menorca ang sinapit ng kanyang ama, kaya paghihiganti umano ang plano nito laban kay Ka Eduardo.
Sa unang salto ay mukhang nagtagumpay ang batang Menorca dahil napaniwala n’ya ang ilang mamamayan na berdugo ang pamunuan ng INC.
Tsk! Tsk! Tsk!
Nakalimutan na ata ni Menorca na simbahan ang dinudurog n’ya at hindi iilang indibidwal lamang.
Tama ba na durugin mo ang buong simbahan makapaghigante ka lamang?
Nagtatanong lang po tayo!
SUPORTA KAILANGAN
Nangahas magtanong ang ULTIMATUM sa opisyal ng INC kung bakit kailangang sumuporta sa mga politiko ang kanilang simbahan?
Buong tapang nitong sinagot na karapatan naming proteksyunan ang kapakanan ng aming mga kaanib upang hindi sila maging biktima ng diskriminasyon sa oras ng pangangailangan.
Matatandaang minorya lamang sa larangan ng relihiyon sa Pinas ang INC pero tumagal ito at dumami ang nananampalataya dahil naniniwala ang mga ito na ramdam nila ang pangangalaga ni “AMA” sa pamamagitan ng kanilang pinaniniwalaang doktrina.
PANINIWALA SA RELIHIYON
Hep! Hep! Hep!
May umepal sa likod ng ULTIMATUM (Je-iel) nang isinusulat natin ang artikulong ito, “Iglesia siguro si Antiporda?”
Nagkakamali po kayo! Ang inyong lingkod ay isang saradong Katoliko.
Naniniwala nga lang tayo sa mga relihiyon na salita ng Diyos at ng kanilang sinasamba ang sinusunod at hindi ang manira sa kapwa at dumurog sa paniniwalang may Diyos, Ama, Allah, Budha, Yahweh, atbp. na tunay na gumagabay sa atin.
IPAGPAUMANHIN NINYO
Hindi po tayo naniniwala sa mga kwentong barbero pero sakaling totoo ang mga ito ay mahalagang malaman ito ng taumbayan dahil napakaraming nananampalataya ang kasalukuyang naguguluhan sa nangyayaring sitwasyon sa INC.
Humihingi rin po ng pang-unawa ang ULTIMATUM dahil sa naisulat natin ang artikulong ito bagama’t sumakabilang-buhay na ang matandang Ka Menorca, isa lang po kasi ang ating paniniwala…
ANG KATOTOHANAN LANG ANG MAKAPAGPAPALAYA SA ATIN (THE TRUTH WILL SET US FREE).
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA