ANG day of judgment sa pagka-Filipino ni Grace Poe ay sa Nov. 17 na, ayon sa Senate Electoral Tribunal (SET).
Ang magdedesisyon ay siyam na member ng SET na pinangungunahan ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio.
Ayon kay Carpio, si Grace at ang ama niyang si Fernando Poe, Jr. ay kapwa hindi natural-born citizens at wala silang karapatan na maging senador o Presidente ng Pilipinas.
Samakatuwid, apat na lang sa siyam na mga miyembro ng SET ang kailangan para ma-disqualify si Grace.
Malamang na si Nancy Binay ng United Nationalist Alliance at anak ni bise presidente Jojo Binay ang boboto laban kay Grace.
Si Paolo Bam Benigno Aquino ng Liberal Party (LP) ay nagsusulong din daw ng disqualification case laban kay Grace.
Sina justices Carpio, Teresita de Castro at Arturo Brion ay all appointed by former President Gloria Macapagal-Arroyo.
Kailangan ni Grace ang limang boto para matalo niya ang grupo ni Carpio. Kailangan ni Grace sina Loren Legarda na ka-tandem ni FPJ sa presidential election, at si Vicente Sotto III, campaign manager noon ni FPJ.
Silang dalawa ay member ng SET at ng Nationalist People’s Coalition (NPC).
May pangatlo pang boto ang malamang na makuha ni Grace sa katauhan ni Cynthia Villar, Pangulo ng Nacionalista Party (NP).
Samakatuwid, kailangan pa ni Grace ng dalawang boto.
NPC member din si Pia Cayetano, kapatid ni Alan.
Kung sakaling tumakbo nga with finality si Mayor Rodrigo Duterte for president, si Pia ay malamang na hindi iboto si Grace.
Ang pag-asa na lang ni Grace ay ang Supreme Court na nag-declare noon na si FPJ ay natural-born citizen kaya lumaban siya.
Ang kaso, si FPJ ay hindi ampon katulad ni Grace.
Ano naman kaya ang pag-asa ngayon ni kandidatong Mar Roxas sa pagka-Pangulo?
Kailangan ng LP na matanggal si Binay sa listahan ng mga presidential aspirant.
Kailangan ding ma-disqualify si Mayor Duterte para wala nang lalaban kay Mar.
Ang saya-saya, no? DEEP FRIED/RAUL VALINO
