MAGKANO ‘yung “ibinulong” ng taga-Office of Transport Security (OTS) sa isang pasahero na nahulihan ng bala noong nagdaang buwan ng Oktubre, P500!??! Nakaalis ang pasahero. Nagbigay, eh.
Ganoon “lang” ba kamura o meron mas higit pa? Isang dayuhang turista ang “nahulihan” din at hiningan naman ng US$1,000 pero nagsabi na US$100 na lang daw ang natira matapos ang bakasyon niya sa bansa.
Kinuha ng taga-OTS, nakaalis ang pasahero!
Sa suma-total, kahit P500 lang kada pasahero ang umaalis araw-araw at “lalaglagan ng bala” ang 10, aba, P5,000 ang kotong-koleksyon kada araw! Maganda ngang “extra income” para sa mga tauhan ng NAIA!
Kilala ang rehimeng Aquino sa pag-uso ng iba’t ibang modus operandi ng korapsyon. Mula sa PDAF, DAP, MRT contracts, rice importations, bukas-balikbayan boxes at heto ngayon, mala programa ng sakahan ni Alcala, “tanim-bala” sa yarda ni DOTC Sec. JUN ABAYA at JOSE ANGEL HONRADO. Mayaman na, payaman pa!
Kung kailan matatapos ang problema na “tanim-laglag-bala” tanging si Don Benigno Aquino III lang ang nakaaalam pero sa mga nangyayari, mukhang wala siyang pakialam man lang. Heloo Noy, nasaan ka ba?
Mukhang walang interes ni Aquino na tapusin ang problema sa NAIA. Dahil ba kamag-anak niya si Honrado at sanggang-dikit niya talaga si Abaya? Hindi kayo nakatutuwa, mga mandarambong ng lipunan!
Ni wala sa mga “tagapayo” ni Aquino ang tila natitigatig man lamang.
Hayan nga at SIKAT na naman ang Pilipinas dahil sa sindikatong “laglag-bala.” Putok ang balita sa TIME Magazine, BBC World News, South Korea news, sa Amerika, Japan at marami pang bansa ang ngayon ay kumakalat.
Sana kung si Aquino at mga tao niya ang nasa likod ng balita, eh. Ang siste, Pilipinas at mga Filipino ang sentro! Malaking kahihiyan talaga ang nangyayari sa bansa. Mula sa worst airport, worst security, worst administration, worst and dirtiest destination, worst traffic at worst business system, etsetera.
Ngayon heto naman ang “tanim-laglag-bala” sa NAIA sa ilalim nina Abaya at Honrado! Ni wala rin silang paliwanag man lang dahil una ng nagsabi si Honrado, “Bakit ako magreresign sa isyu lang na iyan?”
Well, nasa iyo iyan tamad na NAIA manager. Sa rami rin ng atraso ni Abaya sa MRT3 kotong-koleksyon, ayaw ding magresign. Sa hlip na ayusin ang problema at gusot sa NAIA, nakangiti pa sila.
Patunay lang ito na matindi ang BALA nina Honrado at Abaya. SI PNOY ANG BALA NILA. Makakapal nga! BALETODO/ED VERZOLA