HINDI intensyon ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na walang-hiyain si Pope Francis!
‘Yan ang nakasaad sa opisyal na pahayag ng kampo ng alkalde.
Sa ating sapantaha, ang dahilan kaya hinahambalos sa social media nitong ilang Katoliko si Duterte ay dahil naramdaman na ng ilang presidentiable na kung tumuloy nga si Duterte sa pagtakbo bilang Pangulo ng bansa ay malamang sa kangkungan sila pupulutin! At naniniwala tayo na karamihan sa mga humahambalos kay “Digong” ay mga tsuwariwap ng ilang presidentiable.
Aminado tayo, parekoy, na daraan sa butas ng karayom bago manalo bilang Pangulo ng bansa itong si Duterte.
Gayunma’y siya pa rin ang aking iboboto!
‘Yan ay dahil sa aking paniniwala na ang kailangang ng ating bansa sa panahon ngayon ay hindi bolero, plastik o mayabang na Pangulo. Kundi isang lider na may kamay na bakal!
Kung totoo mang marami nang pinapatay na kriminal o pusher itong si Digong ay naniniwala tayo, parekoy, na sa ating bansa ay higit na may karapatang dumami ang matitino o “peace loving” na mamamayan kesa mga kriminal at pusher!
Lipulin mo sila mayor! Ehek!
Isabay mo na rin ang mga kurakot! Hak, hak, hak! Para tumino na ang mga hijo de-puta!
-o0o-
Dahil sa “feedback” mula sa napakaraming Masbatenyo kaugnay sa posibleng manalo bilang gobernador sa lalawigan kong mahal ngayong 2016 elections, isa lang ang aking masasabi.
Bravo kayong lahat!
Ayon kasi sa ating mga nakausap, gusto na nilang mamuhay nang walang pangamba sa mga patayan. Ayaw rin nilang may umupo uli sa Kapitolyo na mangungulimbat.
Hmmm, para bang ipinaalala sa akin nitong magigiting na Masbatenyo ang mga kasong “murder” ni Tony Kho.
Usap-usapan din, parekoy, sa apat na sulok ng Masbate ang kasong “plunder” na kinahaharap ngayon ni dating Gov. Dayan Lanete.
Gusto na talaga ng pagbabago ng ating mga kalalawigan.
Bravo kayong lahat!
Opps, may isa pa palang kandidato sa pagka-gobernador ng lalawigan kong mahal, na ayon sa mga Masbatenyo ay siyang “alternatibo” ng Masbate.
Siya, parekoy, ang hindi natalong kongresista ng 1st District at ngayon ay San Fernando Mayor na si Bong Bravo.
Ibig-sabihin, parekoy, kung talagang gusto ng pagbabago at kaunlaran nitong ating mga kalalawigan ay tiyakin lang na pipiliin ninyo ang alternatibong kandidato sa pagka-gobernador ng ating lalawigan.
Itakwil ang patayan at ibasura ang pangungulimbat.
Kapag nangyari ‘yan . . .
Bravo kayong lahat! Ehek! BURDADO/JUN BRIONES
