MABUHAY ang PDP-Laban!
Kitang-kita ang bagong sigla ng partidong itinatag nina Senador Aquilino “Nene” Pimentel, Jr. at Ninoy Aquino noong dekada 80.
Dahil sa pagkakaroon nito ng Rody Duterte, bilang kandidato sa pagka-Pangulo sa 2016 election ay nabigyan nito ng bagong pag-asa ang partidong nagtataguyod ng pederalismo, karapatang pantao, nasyunalismo, konsultasyon sa mamamayan at pagkakapantay ng lahat.
Malinaw na isa si Digong Duterte sa bumuhay ng partido at iyan ang nagpapadaloy ngayon sa dugo ng lahat ng opisyal at kasapi ng PDP-Laban na pinamumunuan ngayon ni Senador Koko Pimentel.
Bagama’t maliit at payak ang national headquarters nito sa Pasay City, kita-kita naman sa nagdaragsaang tao rito araw-araw ang kanilang ibayong malasakit sa lapiang kanilang kinaaaniban at ang kakaiba pa rito ay marami sa mga simpleng mamamayan natin ngayon ang sumasali at nakikiisa sa layunin ng partido.
Hindi birong hirap at sakripisyo ang inabot ng PDP-Laban noong panahon ng diktadurya kaya’t masasabing hinog na hinog na ito sa panahon para magsilbi sa bayan.
Sangkatutak ang problema ng bansa sa ngayon at kailangan ng bansa ang isang Duterte na may political will para gawin ang lahat ng kinakailangang pagbabago.
Sa panig naman ni Senador Koko Pimentel, ginagabayan niya ang partido at ang laban ni Digong sa payak at may prinsipyong pakikibaka patungo sa pagbabago ng pamamalakad sa pamahalaan.
Mahirap na laban ang kahaharapin ng PDP-Laban dahil ito na yata ang pinakamahirap o yagit na partido sa bansa pero dahil tao ang nagtataguyod nito ay tiyak na malalampasan ito ng naturang lapian na ang tanging hangad lamang ay paunlarin ang bansa sa pamamagitan ng mga Pilipino. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO