NA naman?! Nakahihiya!
Kahit anong tingin mo sa kasong kinakaharap ni Sen. Grace Poe ngayon, ito malamang ang naiusal mo sa sarili sa gitna ng inasal ni Comelec Comm. Rowena Guanzon na mistulang nawala sa wisyong nagkalat sa media matapos sitahin ni Comelec chairman Andy Baustista dahil sa komentong isinumite niya sa Korte Suprema na wala palang basbas ni Bautista at ng Comelec En Banc.
Sobra naman kasi maka-react itong si Guanzon. Imbes na sagutin na lang si Bautista nang maayos at harap-harapan, talagang nag-“media tour” pa ito upang ipagtanggol kuno ang sarili. Parang sa buong kasaysayan ng Comelec, wala akong maalalang miyembro ng komisyon na ganito kaingay at dahil kadalasan ay ang Chairman o Spokesperson nito ang humaharap sa media.
Ang pinakahuling komisyoner na gumawa ng ingay sa media ay si Virgilio Garcillano ng pamosong iskandalong “Hello Garci.” Nagmukha tuloy propeta ang mga taga-Comelec na swak-na-swak ang pahayag nang sinabi ng mga itong “parang mas importanteng maisalba ni Guanzon ang sarili nitong pangalan, kesa sa reputasyon ng Comelec bilang isang institusyon.
Pero bakit ba napaka-defensive ni Guanzon sa obserbasyon na isa siya sa mga “bata” ni Mar sa Comelec?
Ito ba ay dahil tila nagmumura ang picture nya sa Facebook kung saan kitang-kita ang kanyang paninilaw?
Napatutunayan kaya ang mga alegasyong ito ng katotohanang siya ay “sorority sister” ni Sen. Frank Drilon?
Siguro nama’y hindi matatanggal sa mga taong mag-isip laban sa kanya dahil maliban sa mga katanungang ito, mukhang siya lang ang nagmamadaling parang hinahabol ng sampung demonyo nang isumite ang komento laban kay Poe nang walang pakundangan sa pirma at maaaring dagdag na komento ng kanyang mga kasamahan sa Comelec.
Dahil sa kanyang inasal noong mga nagdaang araw, lumabas ang pagkakakilanlan ni Comm. Guanzon.
Isang abogadong nakakikilala sa kanya mula pa noong nagtuturo pa lamang ito sa UP Law ang nagsabing “Hindi kami nagugulat. Marami na ‘yang hindi nakasundo, maraming inaaway at grabe iyang manira ng kaaway.” Hindi na kami nagtaka nang tumangging magpakilala ang nasabing abogado dahil sa takot mawakwak sa resbak.
Kaya naman pala hindi ma-confirm-confirm itong si Guanzon bilang commissioner sa Commission on Audit (COA) noon at kung bakit hindi rin naisama sa shortlist ng JBC para sa mga noo’y umaambisyong pumalit sa nagretirong si Justice Roberto Abad.
Sa paglipana kaliwa’t kanang mga kontrobersiya at iskandalong dala na rin ng nalalapit na halalan, bigyan sana ng prayoridad ang pagpapabuti ng reputasyon ng bawat isang bumubuo sa Comelec at pagsasaayos ng kredibilidad ng nasabing komisyon bilang isang institusyon.
Maano bang mag-isip muna bago ang bunganga’y ibuka? KANTO’T SULOK/NATS TABOY