HINDI maitatanggi na sobra na ang lala ng kriminalidad sa bansa kaya marapat lamang na ito ang unahin ng susunod na pinuno ng ating estado.
Kaliwa’t kanan ang panggagahasa, patayan, nakawan at pagtutulak ng bulto-bultong iligal na droga sa ‘Pinas na siyang ugat ng pagkasira ng buhay ng ating mga kabataan at siya ring ugat ng halos lahat ng krimen na nangyayari.
Isang pinunong may bayag at determinasyon ang kailangan ngayon ng bansa at iyan ay nasa katangian ni Rody Duterte, ang mayor na nagpatino sa isa sa pinakamalalaking lungsod sa mundo.
Malinaw sa kanyang track record ang pagtino ng Davao at kasunod na nga nito ang pag-unlad ng naturang siyudad.
Simple lamang ang lohika ng pagprayoridad sa kriminalidad dahil ang katahimikan ng isang lugar ay karugtong ng maunlad na pamayanan.
Daragsa ang investor kapag maayos at payapa ang isang pamayanan at iyan ang nangyari sa Davao na kung saan naging ama nito ng matagal na panahon si Digong.
Bukod sa lider na may balls ay kailangan din ngayon ng estado ng pinunong may malasakit sa bansa, partikular na sa kabang bayan ng estado.
Importanteng hindi kurakot ang mauupong lider dahil kapag tiwali ang ating nilagay sa Malakanyang ay tiyak na magpapatuloy lamang ang paglapastangan sa pera ng bayan na siyang dahilan kung bakit hindi maibigay ang tunay na serbisyo sa tao.
Marami sa humaharap sa bayan sa ngayon ang puro tiwali at maging ang kanilang mga alipores ay kurakot kaya tiyak na wala tayong maaasahan sa mga ito.
Dito naman angat si Duterte dahil sa tinagal-tagal niya sa posisyon bilang pinuno ng Davao City ay hindi nasangkot ang kanyang pagkatao sa pagnanakaw kaya tiyak tayong nasa mabuting kamay ang Pilipinas.
Lider na may bayag at malasakit ang kailangan ng ‘Pinas sa ngayon at iyan ay walang iba kung hindi si Digong dahil nag-uumapaw sa mamang ito ang patriotismo at pagmamahal sa bayan at mamamayan nito. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
