MARAMI nang reklamo at hindi magandang pangyayari riyan sa Manila Department of Social Welfare pero bakit tila yata walang aksyon dito ang mga kinauukulan?
Isa sa mga inirereklamo ng mga taga-Maynila itong hepe ng MDSW na si Dr. Arnold Pangan dahil hindi raw nito halos magampanan ang totoong pagkalinga sa mga mahihirap na mamamayan na nasa nasabing ahensiya.
Tulad ng Manila Boystown Center na nasa Marikina at nasa ilalim ng MDSW ng Lunsod ng Maynila na pinagdadalhan ng mga street children at mga pamilyang nakatira sa kalsada.
Lumalabas sa ilang reklamo na parang hindi raw yata napangangalagaan nang husto ang mga dinadala sa ahensiyang ito at sa halip ay tinatrato raw na parang mga bilanggo, lalo na pagdating sa pagkain at mga tinutulugan.
At dahil dito ay hinamon ng mga Manilenyo si Mayor Erap na palitan na ang hepe ng MDSW kasabay ng paglutang sa isyu ng pagkalason at pagkamatay sa isang-taong gulang na bata. Nalason umano ng pagkain sa loob mismo ng Boystown ang bata.
Matinding hinanakit at sinisisi ng ina ng bata ang mismong pamunuan ng MDSW sa pagkamatay ng anak.
Sabi nga ng ina ng bata, siguro raw, kung nasa lansangan sila ay hindi pa mamamatay ang kanyang anak.
Ang sinabi ng ina ay mistulang sampal sa pamunuan ng MDSW at marahil sa Alkalde ng Lunsod ng Maynila, bagama’t hindi naman nararapat.
Maliban pala sa pagkamatay ng nasabing bata ay dapat ding sigurong malaman ang katotohanan ukol sa iba pang mga insidente sa loob ng kagawaran tulad ng pagkamatay ng isang matanda na sinasabing napabayaan sa loob ng center.
Buto’t balat umano ang matandang nang matagpuan itong wala nang hininga sa kanyang hinihigaan.
Mayroon ding panghahalay sa 16-anyos na lalaki ng isang 18-anyos na kasama rin sa center at itong huli nga ay ang pagkalason ng bata. (ITUTULOY)
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suggestions at komento, mag-text lang po sa 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES