MAGANDA ang mga senyales na nakikita ng kampo ni Sen. Grace Poe na tumatakbo bilang pangulo sa halalan ngayong darating na Mayo 9.
Kumpiyansa sila na ilang panahon na lang ay raratsada na ang kanyang kandidatura at pakakainin ng alikabok ang kanyang mga kalaban.
Sinabi naman ng ilang political observer at analyst na lahat ng indikasyon ay nagtuturo na aalagwa na ang kanyang kandidatura subalit may ilang bagay lamang na nakapipigil dito.
Sa huling resulta ng survey na inilabas ng Social Weather Station ay pumangalawa lamang si Grace kay VICE PRESIDENT Jejomar C. Binay pero hindi anila nakababahala ito.
Idinagdag pa nila na noong nakaraang resulta ng survey na ginawa ng Pulse Asia ay maliwanag na malaki ang agwat ng lady senator sa mga katunggali ng mas malaking sample kung kaya’t maliwanag anila na nasa tamang trajectory ang kanyang kampanya.
Sinasabi pa ng mga political observer na ang isang dahilan kung bakit pumangalawa lamang si Grace at sapagkat hindi pa nareresolba ng Supreme Court ang mga disqualification cases na inihain laban sa kanya.
Idinagdag pa nila na bagamat siya talaga ang napipisil ng mga tao na iboto ang iba sa kanila ay nagdadalawang–isip na piliin siya dahil hindi pa tiyak kung makatatakbo siya o hindi.
Tiniyak ng mga nagmamasid at sumusubaybay sa mga kaganapan sa pulitika sa bansa na tiyak na papailanlang ang kandidatura ni Grace sa sandaling ideklara ng Supreme Court na pwede siyang tumakbo.
Kaya naman iyon ang ayaw mangyari ng mga kalaban niya kung kaya’t ginagawa nila ang lahat ng paraan para maantala ang mga pagdinig at huwag munang magbigay ng desisyon ang SC.
Bagama’t hanggang sa ngayon ay nasa kamay pa rin ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang kapalaran at kahihinatnan ng kandidatura ng senadora ay kumpiyansa sila na sa huli ay mananaig ang katarungan at papayagan siyang tumakbo bilang pangulo ng bansa.
Sa panig naman ng mga katunggali ni Grace ay ginagawa nila ang lahat upang mapigilan siya kaya’t maliban sa mga kaso ay tuloy-tuloy pa rin ang mga black propaganda laban sa kanya.
Subalit malas na lang ng mga kalaban niya sapagkat matatalino na ang mga mamamayan ngayon kaya wa epek ang mga paninira nila laban sa kanya.
Sorry na lang ang mga katunggali ni Grace dahil sandaling panahon na lang ay aarangkada na ang kandidatura niya at malapit na silang maiwanan ng milya-milya. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO