HINDI tsamba ang kapansin-pansing patuloy na pag-angat ni Valenzuela City Rep. Sherwin “Win” Gatchalian sa iba’t ibang mga pre-election survey na isinasagawa ng mga mapagkakatiwalaang pollster tulad ng Pulse Asia, Social Weather Station at Laylo Research Strategies.
Hindi tulad ng ibang tumatakbo na kuntento na lang sa pagpapa-cute o ‘di kaya ay umaasa na lang sa kanilang partido, aktibo si Gatchalian sa pagpapaliwanag sa mga tao kung ano ang kanyang mga adbokasiya at ano ang mga planong gawin niya sa Senado.
Sa ilang nakaraang survey ay tinanong din ang mga tao kung ano mga pangunahing isyu na nais nilang pagtuunang-pansin ng mga kandidato sakaling maluklok sila sa puwesto.
Lumalabas na ang paglutas sa kahirapan at paglaban sa korapsyon ang dalawang suliraning gusto ng mga tao na lutasin ng sinomang mauupo sa puwesto. At sa mga aspetong ito ay maliwanag na naipararating ni Gatchalian ang kanyang mensahe sa mga tao.
Kilala kasi si Gatchalian sa kanyang mahusay na ‘track record’ bilang three-term mayor ng Valenzuela City at two-term congressman.
Sa buong panahon ng kanyang mga panunungkulan ay sentro ng kanyang adbokasiya ang edukasyon kung paano ito mapalalawak dahil ito ang nakikita niyang solusyon sa kahirapan.
Sa maraming pagkakataon ay paulit-ulit niyang binibigyang diin ang pagkakaloob ng libre subalit may kalidad na edukasyon sa mga kabataan dahil alam niyang iyon ang pasaporte nila para guminhawa ang buhay.
Kaya nga bilang mamababatas ay ipinanukala niya ang “Free Higher Education Act” kung saan tutulungan lalo na ang mga mahihirap na estudyante na matustusan ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.
Siya ang pangunahing may-akda ng House Bill 5905 na aprubado na sa committee level na nagtatakda ng ‘fully subsidized tuition fee’ sa lahat ng state universities and colleges (SUCs) para sa mga kasalukuyan at susunod pang estudyanteng may magandang academic records at moral standing.
Sa usapin naman ng korapsyon ay ito rin ang isa sa pangunahing nilalabanan ni Gatchalian kaya naman noong alkalde pa siya ng Valenzuela City ay iniangat niya ang lebel ng serbisyo publiko roon na naging dahilan para manalo ang lungsod ng ilang beses ng Galing Pook award.
Aktibo ring naipararating ni Gatchalian sa mga tao ang kanyang legislative agenda na may kaugnayan sa usapin ng mataas na presyo ng mga bilihin, mababang suweldo at ‘underemployment’ na may malaki at direktang epekto sa mahihirap na pamilya.
Hindi kataka-taka kung bakit patuloy ang pag-angat ng kandidatura ni Sherwin dahil maliwanag ang adhikain niya para sa mga tao.
At ang mga katulad niya ang kailangan sa Senado para umangat ang antas ng pamumuhay ng mga ordinaryong mamamayang Filipino. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO