SAAN kaya patutungo ang ipinagmamamalaki ni Pangulong Noynoy na pagbasag sa katiwalian sa gobyerno?
Katanungan ito, mga Bro, makaraang malaman nating pati ang Sanlakas na malakas na kaalyado mismo ni PNoy at ang administrasyon nito ay nakikitang umuusok ang ilong laban sa kanila.
Naunang kumalas si Walden Bello na isang lider ng nasabing grupo sa pagsasabing hindi na niya masikmura ang nagaganap sa Aquino administration at ang pakikipag-alyansa ng Sanlakas dito.
Ngayon, mismong ang Sanlakas ay nagsasalita na nga rin laban sa kasalukuyang administrasyon.
VS DE LIMA LANG
Mayroon lang isang puna sa grupo. Sinentruhan lang nito ng atake si dating Justice Secretary Leila de Lima na siyang may kagagawan umano ng hillaw na hilaw na laban sa katiwalian o pagpapairal ng Tuwid na Daan.
Halimbawa na lang umano sa mga kasong nauugnay sa Priority Development Assistance Fund na idineklarang labag sa Konstitusyon ng Supreme Court, may 120 kongresman at 14 senador umanong umanong sangkot.
Pero, anak ng tokwa, hanggang tatlong senador at 25 kongresman lang ang nakasuhan at nagdagdag lamang ang Ombudsman ng lima.
Halos pawang mga oposisyon pa ang mga nakasuhan at mabibilang sa daliri ang mga kaalyado ni PNoy.
Higit na nakararami sa mga korap ang mga kaalyado ni PNoy at malayang-malaya ang mga ito na naglalangoy sa kayamanang nakaw sa salaping bayan.
Ngayon, sinasabi ng Sanlakas na halos walang makitang palatandaan na nagtagumpay ang Tuwid na Daan.
NASAAN NGA SILA?
Kung inyong matatandaan, mga Bro, pati ang Disbursement Acceleration Program na umubos ng mahigit sa P140-bilyong salaping-bayan ay idineklara ring labag sa Konstitusyon bagama’t may bahagi rito na naaayon din umano rito.
Nangangahulugan na may malaking tipak ng pondo na inihulog sa bulsa ng mga may bulsa mula sa DAP.
Ang pinagsamang PDAF at DAP ay tinatayang mahigit sa P200B. Parehas na pinakinabangan ng mga korap na kongresman at senador ang mga pondong ito.
Pero nasaan nga ang mga kaso laban sa mga korap na ito?
IMPEACHMENT
Sa kasagsagan ng impeachment laban kay dating Chief Justice Renato Corona, sumingaw ang malakihang suhulan para lang siya maideklarang guilty sa mga bintang laban sa kanya at masibak sa pwesto bilang Chief Justice.
Pero napagalitan sa pag-uusig ang mga abogado ni Corona na nagpausok nito.
Matapos ang impeachment, isang senador ang umamin na halos lahat sila sa Senado ay nabigyan ng P50-milyon hanggang P100-milyon na “insentibo” para sa pagsibak Corona.
Sumunod na ring nagsilutangan ang insentibo ring naibigay sa mga kongresman, lalo na ang nasa 180 kongresman na pumirma sa impeachment ni Corona sa Kamara.
KASONG SUHULAN
Sa ibang salita, mga Bro, tumanggap ng suhol mula sa Malakanyang ang mga mambabatas para sibakin si Corona.
Nang maningil ang mga mamamayan, anak ng tipaklong, naghugas-kamay ang Malakanyang at dinikdik nito ang mga mambabatas sa pagsasabing sila ang humingi ng mga pondong PDAF at DAP.
At ang masakit, mga Bro, mga kasong PDAF lang ang nasa mga hukuman, lalo na sa Sandiganbayan, at tanging ang nauugnay lang kay Janet Napoles ang dinirinig.
Walang kasong nauugnay sa mga suhulan sa impeachment at lalong walang kasong nauugnay sa DAP.
Lalong walang kasong naisasampa laban sa mga taga-Malakanyang sa paggamit sa PDAF at DAP bilang panuhol at bilang dagat na pinamingwitan ng mga korap ng mga nakaw na yaman.
NAMIMILI LANG
Ayon sa Sanlakas, namimili lang ang administrasyong Aquino ng pinipwerwisyo nito.
Karaniwang mga oposisyon lamang.
Ibig-sabihin nito, mga Bro, kinumkumpirma lang ng grupo ang luma nang isyu laban kay PNoy at mga kakosa nito.
Matagal nang umaaray at sumisigaw ang mga sinasagasaan nina PNoy kaya naman, nagtatanong ngayon ang iba ng “bakit ngayon lang?”
ISANG HAMON
Ngayong nagsasalita na ang grupo, isang malaking hamon kung makahihiwalay ito mula sa administrasyong Aquino at ipaglaban ang dapat na ipaglaban.
Pasok kasi sa pamahalaang Aquino at nasa Malakanyang pa ang ilang matataas na opisyal ng Sanlakas at sa kabila ng angal at pagkalas ni Walden Belllo, halimbawa, hindi sila sumunod.
Malaking kantiyaw tuloy ang inaabot ng grupo mula sa ibang grupong pulitikal na katulad nito.
Higit dito, malaking katanungan na rin kung talagang kumikilos ito para sa interes ng nakararaming mamamayan.
Sa hanay lang ng mga obrero na sinasabing nasa 80 porsyento na ang biktima ng kontraktuwalisasyon, ano ang maaasahan sa grupo?
Paano ang mga magsasaka na biktima ng kapabayaan at smuggling na rin sa bigas at iba pa na sinasabing gawa mismo ng ilang opisyal ng pamahalaang Aquino?
At paano ang korapsyon at pandaraambong na nagpapatuloy at lumala sa gobyernong ito?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
