KITANG-KITA natin sa lahat ng pinupuntahang lugar ni PDP Laban presidential bet at Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang mainit na pagtanggap sa kanya ng taumbayan.
Malinaw pa sa sikat ng araw kung gaano ang kagustuhan ng mamamayan na mabago ang bansa kaya sangkatutak ang hindi nakukumbinsi sa mga naglalabasang survey lalo na’t gawa ito ng Pulse Asia at SWS.
Klaro ang plano ng dalawang survey firms na ito na ikondisyon ang utak ng tao at iyan ngayon ang kanilang ginagawa sa kanilang mga survey kuno, na sinasabi nilang pulso ng mamamayan.
Hindi maitatanggi na ang 1800 respondents ng SWS at Pulse Asia ay hindi pulso ng mamamayan dahil sa kasalukuyan ay mayroon tayong 50-milyong botante.
Isang panatikong kahunghangan kung sasabihin ng dalawang kompanyang ito na ang mga kandidatong nanguna sa kanilang mga survey ang tinig ng 50-milyong botante dahil kakarampot lamang ang kanilang sampling na ginawa.
Dapat na rin sigurong basahin nang malaliman ng taumbayan ang motibo ng surveys na ito at iyan nga ay paboran ang isang kandidato.
Sa survey ng SWS ay umaangat pa rin si Grace Poe, ang pinuno at founder ng SWS Mahar Mangahas, kamag-anak ni FPJ.
Pero ang kapansin-pansin din sa pinakahuling survey ng SWS ay ang pag-angat bigla at napakalaking porsyento nina Mar Roxas at Leni Robredo, gayung kita-kita naman sa ibaba na ayaw sa kanila ng mga tao.
Malinaw na nagagamit na kasangkapan ang surveys na ito sa pagkondisyon ng isip ng madla kaya dapat itong hindi paniwalaan, manapay dapat na rin itong pigilan ng Comelec
Ipakalat natin sa mamamayan ang patagong motibo ng naturang mga survey at ipaliwanag natin sa kanila ang tunay na agenda ng mga ito, at iyan ay magamit ng mga trapong politiko para makapanloko upang makuha ang boto nila sa Mayo. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO