SA sarbey na ginawa natin ukol sa El Niño at tag-araw ngayong taon, marami nang lugar ang nagdeklara o idineklara ng pambansang pamahalaan na sakop ng state of calamity.
Kabilang dito ang mga lalawigan ng Isabela, Quirino, Bukidnon, Davao del Sur, South Cotabato, North Cotabato, Maguindanao, Basilan, Cebu, Guimaras at Zamboanga City.
Sa ulat ng gobyerno, mga Bro, pangunahing sira sa mga lugar na ito ang mga tanim na palay na sinundan ng mais at high value crops.
Siyempre pa, naririyan din ang pagkasira ng mga palaisdaan sa pagkatuyo, lalo na ang mga nabubuhay sa tubig-ilog, mga hayop na walang makainan at nagkakapesteng mga alaga gaya ng mga manok.
Bagama’t pahupa na ang tag-araw at El Nino ngunit sa Hunyo pa matatapos, inaasahang may mga lugar pang magdedeklara ng state of calamity.
Sakaling magkakaroon ng mga protesta kaugnay ng iba pang mga lugar, bala rin kaya ang itutugon sa mga biktima gaya ng nangyari sa North Cotabato?
NASAAN ANG PONDO?
Sa North Cotabato, hinanap ang pondong pangkalamidad ng mga biktima ng kalamidad nitong nagdaang mga araw.
Sa halip na sagutin sila nang matino, hayun, bala ang isinalubong sa mga biktima.
Triple malas pa nga ang inabot ng mga biktima. Biktima na sila ng kalamidad, minasaker pa sila at ngayo’y nahaharap pa sila ng mga demanda mula sa mga pulis at lokal na opisyal.
Nang dahil naman sa pangyayari, saka napag-alala na ang ilang pondong pangkalamidad ng pamahalaang panlalawigan ay nasa kamay na pala ng mga lungsod at munisipyo o sa mga mayor.
Pero mukhang hindi nakarating kahit kulangot mula calamity fund sa mga magsasaka at Lumad na biktima.
Sino-sino nga ba ang mga nakinabang? Tanong ‘yan sa mga gobernador, mayor, kapitan at iba pang mga lokal na opisyal.
TAHIMIK ANG IBA
Habang puno ng balita ang Kidapawan City, North Cotabato ukol sa naganap na protesta, kaguluhan, masaker, imbestigasyon at demandahan, wala pa naman tayong nasasagap na katulad na pangyayari sa ibang mga lalawigan at lungsod na may state of calamity.
Maayos ba ang pamimigay ng mga calamity fund?
Sa pagtatanong-tanong natin, marami sa mga magsasaka, mangingisda at naghahayupan ang nagsasabing walang dumarating na pondong pangkalamidad.
‘Yun pala, sadyang matiisin lang sa hirap at gutom ang ibang mga biktima kaya sila tahimik.
Pero ibubuhos na lang umano nila ang kanilang hinanakit sa darating na halalan. Kung kanino nila ibubunton ang kanilang kawalan ng tiwala at pag-asa sa mga namumuno, sa balota na lang nila gagawin.
ANG MGA ARTISTA
Sumasaludo naman tayo sa mga artista, mga Bro, na umaksyon para sa mga nagugutom at naghihirap dahil sa kalamidad.
Nagbigay sina Robin at Mariel Padilla ng 110 kaban; mag-inang Karla at Daniel Padilla; Anne at Jasmine Curtis – 220; Angel Locsin – 120; Luis Manzano – 100; Bianca Gonzales-Intal – 20; Erika Padilla – 10; Megan Young – 10; Mikael Daez – 10; at film makers na sina Perci Intalan at Jun robles – 70.
Akalain mo, naisipan nilang mag-share ng kanilang mga biyaya.
MGA PRESIDENTIABLE
Eh, ang mga politiko, lalo na ang mga presidentiable? Nasaan sila? Si Mayor Digong Duterte lang yata ang umaksyon.
Bago ang Kidapawan massacre, nauna nang nagdeklara si Mar Roxas na wala nang mailalabas ang pambansang pamahalaan na pondo para rito at sinabihan na lang ang Department of Agriculture na gumawa ng paraan.
Kung mayroon mang magmumula sa Palasyo, maaaring manggaling na sa national calamity fund. Pero nasaaan at may authority ba si Roxas na pakialaman ang calamity fund ni Pangulong Noynoy?
Naparaan nga pala tayo sa ilang headquarter ng Liberal Party, tsinelas ang marami.
Ang tsinelas ba’y panagot sa kumakalam na sikmura at walang kinabukasang biktima ng mga kalamidad?
ISYUNG PANG-HALALAN
Para sa atin, mga bro, ang ganitong klaseng isyu ang dapat na isama sa pagpili ng susunod na mga lider ng bansa, lokal man o nasyonal.
Ang mga walang pakialam ay hindi dapat isama sa listahan ng mga botante sa kanilang pagboto.
Isama na rito ang mga nagtuturuan kung may kapalpakan na maganap gaya ng nangyari sa North Cotabato. At lalong burahin sa listahan ang mga may pondong pangkalamidad pero kinokorap ang mga ito at ginagawa lang na para sa mga kamag-anak at kaibigan at pambili ng boto.
Walang puwang sa gobyerno ang mga nagsasamantala sa mga nagugutom at naghihirap dahil sa pananalasa ng mga kalamidad.
At saka lang nagbubuhos ng pondong pangkalamidad kung oras na ng halalan para bingwitin ang boto ng mga mamamayan.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

