ANG Republic Act 7277 na kilala bilang “Magna Carta for Disabled Persons” ay nagbibigay-halaga sa mga may kapansanan o persons with disability.
Upang mas lalong mapalakas at mapalawak ang mga probisyon at sakop ng RA 7277, inamyendahan ito ng Republic Act 9442 na nagtatakda ng diskuwentro sa mga taong may kapansanan nang hindi bababa sa 20 porsyento sa mga recreation center at iba pang lugar na pinupuntahan ng PWDs.
Mas importante sa mga may kapansanan ang gamot na kanilang iniinom upang maging maayos ang kalagayan. Kaya nga masaya sila na mabigyan ng 20% discount ng mga botika, lalo na ng mga malalaki at may pangalan na establisimyento.
Pero ano itong reklamo ng isang PWD kaugnay ng hindi pagbebenta sa kanila ng tamang bilang ng gamot ng Mercury Drugstore sa Lemery, Batangas?
Nakalagay umano sa reseta ang 30-pirasong gamot ng PWD subalit ang ibinenta lang sa kanya ng nasabing botika ay pitong piraso.
Ayon sa sales clerk ng Mercury Drugstore sa Lemery, Batangas, panuntunan o policy ng kanilang tindahan ang hanggang pitong pirasong gamot sa PWDs.
Pero sa ibang tindahan ng Mercury, halimbawa sa Libis, Quezon City ay sumusunod naman ang mga ito sa kung ilan ang nasa reseta.
Ang nangyayari kasi sa Lemery, Batangas, nagpapabalik-balik ang bumibili para lang sa tamang bilang ng gamot. Ang masakit, nabigyan nga sila ng 20% diskuwentro, nauubos din lang o kulang pa sa pamasaheng nagagastos nila sa pagpapabalik-balik.
Pwede bang malaman ang sagot ng Bureau of Food and Drugs at Department of Trade and Industry sa ginagawang pagpapahirap ng Mercury Drug Lemery branch sa PWDs?
Kapag PWD na may card ang bumibili ay hanggang pitong piraso lang ang kanilang ibinibigay pero kapag regular customer, kahit 100-pirasong gamot ang bilhin kahit hindi nakalagay sa reseta ay walang problema.
Hindi dapat magbulag-bulagan ang gobyerno sa mga ganitong pangyayari. Kailangang maimbestigahan at malaman ang sagot ng Mercury Drug sa ipinatutupad na panuntunan ng nasabing branch ng botika sa Batangas.
Wala naman kasing kaibahan ang Mercury Drug sa Libis at Lemery, maliban sa lokasyon. Kaya bakit nakapagbenta ng 30-pirasong gamot ang Libis na hindi magawa ng Lemery?
Sana maimbestigahan ang ganitong reklamo ng darating na administrasyon upang mawala ang agam-agam ukol sa diskriminasyon sa mga PWD at mahihirap na mamamayan. PAKUROT/LEA BOTONES