MALAKI ang ipinakikitang suporta ng taumbayan kay President-elect Rodrigo Duterte dahil naniniwala ang mga ito sa mga pagbabagong gustong gawin ng dating alkalde ng Lungsod ng Davao sa buong bansa.
Kabilang sa mga sinusuportahang pagbabago ng ating mga kababayan ay ang paghihigpit ni Duterte sa batas nang sa gayon ay maubos na ang mga gumagalang kriminal, manyakis at tulak ng droga na nakasisira sa buhay ng mga kabataan.
Marami rin ang naniniwalang malaki ang magagawa ng federalism sakaling ito na ang umiiral sa ating gobyerno na siyang nais mangyari ni Duterte.
Maging ang mga mangingisda ay agad na bumilib kay Digong dahil matapos nitong makausap ang China tungkol sa pinag-aagawang isla ay hindi na nakararanas ng pambu-bully ang mga ito sa mga Tsino.
Lahat ng sektor ng lipunan ay malaki ang tiwala kay Duterte dahil na rin sa mga nakalaan nitong proyekto na pinaniniwalaan natin na malaki ang magiging magandang epekto sa ating kabuhayan.
Mas higit na sinusuportahan ng taumbayan ang paglaban ni Duterte sa katiwalian at ayon pa nga rito, nakahanda siyang ipakulong ang mga politiko na mapatutunayang nagnakaw sa kaban ng bayan na labis nang kinasasabikan ng mamamayan.
Malaki rin ang nakikita nating pagbangon ng ating ekonomiya kapag si Duterte na ang nakaupong Pangulo ng bansa at isa sa tututukan nitong problema ay ang mass transit system na isa sa mga mabigat nating suliranin.
Kung atin kasing susuriin, malaki ang nawawala sa ating ekonomiya dahil lamang sa matinding trapik na nararanasan hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa ibang probinsiya dahil na rin sa maling pagpapatupad ng batas.
Umaasa ang mga Filipino na sa pamamagitan ni Duterte ay magbabago na rin ang ugali natin dahil nagsisimula mismo ang pagbabago sa ating sarili at mangyayari lamang ito kung tayo ang unang magbabago bago tayo maghanap ng pagbabago sa gobyerno. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO