MARAMI ang umaasang magdedesisyon ang United Nations arbitration court nang pabor sa ating bansa kaugnay ng agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Bakit hindi?
Nagsampa ang Pilipinas ng petisyon noong 2013 bilang pagsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na pinagtibay nito kasama ang 165 bansa.
Tinutulan ng ating bansa ang claim ng China matapos nitong maagaw ang kontrol sa Panatag Shoal sa may Zambales noong 2012, makalipas makipagmatigasan ng dalawang buwan sa Philippine Navy.
Inisa-isa sa UNCLOS ang mga karapatan at responsibilidad ng mga bansa kaugnay ng paggamit ng karagatan sa mundo, nagtakda ng patnubay para sa kalikasan, negosyo at pangangasiwa ng mga likas na yamang-pandagat.
Itinakda nito ang tanging karapatan ng bansa tungkol sa pagsasaliksik at paggamit ng likas na yaman, kabilang ang produksyon ng enerhiya mula tubig at hangin, sa exclusive economic zone (EEZ) nito na umaabot ng 200 pangkaragatang milya mula sa baseline.
Ang lahat ay batay sa legalidad, taliwas sa deklarasyon ng China sa teritoryong pandagat na ibinatay sa pangkasaysayan umanong rekord at wala nang iba pa.
Bagaman inaasahan ng China na magdedesisyon ang arbitration court nang pabor sa Pilipinas sa susunod na mga linggo, ang kanilang mga opisyal ay walang balak na tanggapin o kilalanin ito.
Halimbawang magdesisyon nga sila na pabor sa atin, ang tanong ng Firing Line ay kung paano kaya ito maisasakatuparan kung ang UN court ay walang kakayahang ipatupad ito?
Ano ang silbi ng convention on the law of the sea at pagiging bahagi ng 166 na miyembrong bansa nito kung wala itong kapangyarihan na gawing mabisa ang sariling desisyon?
Ibinunyag sa ulat ng South China Morning Post ng Hong Kong na plano pa ng China na magtayo ng outpost sa Panatag Shoal.
Mananatili ba tayong walang kapangyarihan at tagamasid lamang habang gumagawa muli sila ng artipisyal na isla sa ating harapan?
Nakatakda ba tayong i-bully at nakawan ng teritoryong pandagat ng China, dahil kulang tayo sa lakas ng militar upang ipagtanggol ang ating karapatan?
Iba sana ang sitwasyon kung naging mas matibay tayo sa pagpapatupad ng batas na pandagat, tulad nang yumaong President Ferdinand Marcos sa kanyang panahon.
Ang sabi nila, kahit sa panaginip ay hindi magbabalak ang China na nakawin ang pag-aari natin noon kung ayaw nilang pasabugin sila sa kanilang kinatatayuan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side-_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
