ILANG beses ko na ring nakadaupang-palad si S/Supt. John Cayaban Chua, ang bagong talaga na hepe ng pulisya ng Malabon.
Sa una naming pagkikita’y ‘respeto’ ang kaagad tumatak sa aking utak. Dangan kasi, sa ipinakitang kilos at bawat bigkas ng salita ay mabilis na nagbigay ng kahulugan sa aking panuri.
Pakiwari ko’y napaka-importante kay colonel ang bawat buka ng kanyang bibig dahil sa pagiging tahimik nito.
Pero sa likod pala ng kanyang pagiging tahimik ay ang naghuhumiyaw at ‘di matatawarang kasipagan sa pagtalima sa sinumpaang trabaho.
Ika nga ng isang police official, si Col. Chua, aniya “ay maigsi kung magsalita subalit kilometro naman kung gumawa”.
Tulad ko ring ilokano, si Col. Chua ay tubong Bambang, Nueva Viscaya. At tulad din ng napakaraming mga batang mahihirap na nangarap ng maaliwalas na bukas, maraming pagsubok itong hinarap.
Ika nga niya sa aming pag-uusap, ‘di pinangarap na maging pulis, pero sa mundo ng PNP siya dinala ng tadhana.
Bilang alagad ng batas, naitalaga si Col. Chua kung saan-saan. At sa bawat assignment ay nakatanghod ang pagsubok ngunit matagumpay naman niyang napagsilbihan.
Tumataginting na iba’t ibang 40 awards ang natanggap ni colonel bilang pabuya ng PNP sa maayos niyang pagsasakatuparan ng kanyang piniling propesyon.
Ang matining na achievement na ito ang rason kaya siya ang napili ni Mayor Lenlen Oreta para pumalit sa kamakailan ay nagretirong CoP S/Supt. Severino Abad, Jr. bilang bagong hepe ng Malabon police.
Sa edad na 48, marami pang pagsubok na darating sa maningning na police career ng ipinagmamalaking anak na ito ng Viscaya province.
At sa magaling at kakaibang uri ng kanyang pamamahala, ang tagumpay ay tiyak na magiging kakambal at magiging tuloy-tuloy ang magandang tadhana para kay colonel.
‘Di nahuhulaan ang tadhana. Si incoming PNP C/Supt. Ronald ‘Bato’ dela Rosa ay produkto ng ‘di inaasahang tadhana.
Ang lahat ng pulis, kasama na si Col. John Chua, ay maaaring another ‘bato’ sa PNP. Itataga ko ‘yan sa bato. CHOKEPOINT/BONG PADUA
