TALAGANG napakabilis na ngayong bumalik ng “karma” at dahil dito ay mabilis ding nabigyan ng katarungan ang mga nabiktima ng dalawang suspek sa kasong robbery with rape sa loob ng isang colorum na SUV.
Sa pagkamatay ni Alfredo Turado, isa sa dalawang suspek sa paggahasa at pagnanakaw sa kanilang dalawang pasahero sa colorum na SUV ay natuwa ang kanilang mga nabiktima.
Sinasabing nang-agaw raw ng baril sa isang pulis itong si Turado kaya nabaril ito at napatay ng mga pulis-QC samantalang ang mastermind at utak ng mga nasabing krimen na si Wilfredo Lorenzo ay nakakulong pa rin sa detention cell ng Criminal Invistigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District o QCPD.
Sa nangyari rito kay Turado ay maraming galit na galit na nitizens ang natuwa at sinasabi pa ngang sana ay isinama na rin itong si Lorenzo.
Sa mga social media ay pinupuri nila ang mga pulis-QC dahil nabigyan agad ng hustisya ang mga biktima na napag-alaman ng Lily’s Files na hindi lang pala dalawa ang naging biktima ng grupo ni Lorenzo.
Ayon sa ating source mayroon pang dalawang professional na nagsabing nabiktima sila nina Lorenzo at Turado at minabuti na lang na manahimik dahil kapwa may mga asawa ang mga ito.
Isa pa raw sa nabiktima nina Lorenzo ay ang 16-anyos na dalagita na ikinulong ng isang buwan at kaya lang ito nakatakas nang iwan nina Lorenzo nang magbuntis ang dalagita.
Tsk tsk tsk, mga hayop talaga. Hindi ako nagtataka kung bakit marami ang natutuwa nang mapatay itong si Turado, mga buhay pa ang mga animal pero sinusunog na ang kanilang mga kaluluwa.
Mabait pa nga itong sina QCPD Director Gen. Edgardo Tinio, at CIDU Chief, Col. Rodel Marcelo, eh , dahil kung naiba-iba lang sina Gen. Tinio at Maj. Marcelo, siguro baka pinatay na rin itong animal na si Lorenzo.
Ang pagkakabaril at pagkakapatay kay Turado ay sinisilip na ngayon ng Commission on Human Rights (CHR) dahil pinagtatakahan daw nila ay kung bakit nakaang-agaw pa ng baril ang suspek gayung bugbog-sarado na ito dahil sa ginawang pag-atake ng kanyang mga galit na galit na kabarangay.
Hay naku, umayos nga kayo, mga taga-CHR. Alam n’yo ba ang pinagsasabi ninyo? Matanong ko lang, nasaan kayo nang humingi ng katarungan ang mga biktima, ano ang ginawa ninyo, nag-imbistiga ba kayo?
Hindi ba dapat ang mga biktima ang binibigyan ninyo ng katarungan at hindi ang mga suspek? Sa bagay, halatang-halata naman na ang CHR ay para lang sa mga suspek.
Tingnan mo nga, ‘pag ang mga pulis o military ay napapatay, deadma lang dito ang CHR. Pero ‘pag ang mga kalaban ng mga pulis at militar ang napapatay, andoon agad ang CHR at iniimbestigahan ang mga pulis o militar. LILY’S FILES/LILY REYES
