SERYOSONG krimen ang mga kolorum na sasakyan at seryosong hakbang ang kailangan para masugpo ito.
Maraming krimen ang napabalita na nangyayari sa mga kolorum na pampublikong sasakyan at ginagawa ng mga driver ng kolorum na ito, panahon na para paigtingin at patapangin ang ngipin ng batas laban sa mga kolorum.
Pero kailangan silipin ng gobyerno ang tunay na problema kung bakit dumarami ang mga kolorum.
Ayon sa datos ng aming pag-aaral, dumarami ang nangangailangan ng serbisyong pangtransportasyon at hindi na ito natutugunan sa halip ay sinasamantala ng mga tumataliwas sa batas at mas pinili na maging kolorum imbes na magkaroon ng lehitimong prangkisa.
Ang isang tinitingnan na dahilan ay ang moratorium sa pag-isyu ng bagong prangkisa.
Wala muna raw makakuha ng bagong prankisa. Walang prangkisa na iniisyu kaya walang mga bagong serbisyo.
Ang mungkahi ay baka dapat mapag-aralan din ulit ang isyu tungkol sa moratorium para mabigyan ng tamang serbisyo ang mga mananakay, lehitimong serbisyo, nang sa gayon ay hindi mapagsamantalahan ng mga kriminal na kolorum.
Ang akala ng iba ay nasa kapangyarihan lang ng LTFRB na maiayos ang lahat ng problemang ito.
Kulang ang aming lakas, kailangan namin ang tulong ng mas maraming ahensya.
Tandaan na ayon sa JAO, hindi pwedeng manghuli ang LTFRB nang wala ang LTO, dapat partner lagi.
Minsan ay matapang ang ilang pasaway dahil sa butas sa batas ng JAO at kahinaan ito ng aming pagiging awtoridad.
Ang mungkahi ko ay bigyan din ng awtoridad ang ibang ahensya tulad ng PNP na manghuli ng mga kolorum at pwede rin na ang LGU ay magpasa ng sariling ordinansa laban sa mga kolorum para mas malakas ang pwersa nang pagsugpo rito.
Nakita ko ang mga ilang halimbawa sa ibang lugar na talagang nangolorum na lang at pinapatulan ang ilan na nangongotong para lang madagdagan ang serbisyo para sa mga pasahero.
Kaya dumami ang colorum.
May matinding pangangailangan na masugpo ang kolorum bilang isang seryosong krimen pero kailangan na masilip ang batas tungkol sa moratorium ng pagbibigay ng prangkisa para naman magkaroon ang mga lehitimong bagong partisipasyon ng pagkakataon na makapagbigay ng serbisyo na pampublikong transportasyon. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
