MAHIGPIT na ipinatutupad ng Philippine National Police ang “Oplan Tokhang” kaya naman masigasig din ang National Capital Region Police Office sa pagpapasuko sa mga may kinalaman sa droga.
Kaya naman sa loob lang ng 12 araw na kampanya ng Oplan Tokhang, umabot na sa 8,808 kataong sangkot sa droga ang sumuko, 362 ang naaresto at 12,037 kabahayan ang nakakatok ng limang police district ng NCRPO.
Ayon na rin kay NCRPO Acting Director PCSUPT Oscar Albayalde, mahigit nang 298.3 kilong shabu na may street value na P1,846,200 at 1-kilong marijuana ang nakukumpiska. Nakakumpiska rin ang mga pulis ng 20 iba’t ibang kalibre ng baril, isang granada at tatlong patalim.
Nakapaloob sa mga nasabing bilang ng mga nasabing personalidad ang 4,898 na gumagamit ng iligal na droga at ngayon ay nasa pangangalaga na ng Local Government Unit o LGU at Dangerous Drug Board para sa kanilang rehabilitasyon, kasama na ang 3,547 na tulak. May 348 dito ang dala-dala ang kanilang mga illegal drug item.
Mahigpit ang bilin nitong si Gen. Albayalde sa kanyang mga pulis sa Metro Manila na ang implementasyon ng “Oplan Tokhang” ay nakabatay sa Human Rights Law.
Nakatakda nang makipag-usap si Gen. Albayalde sa Human Rights Counselor at associate dean ng College of Law ng University of the East na si Atty. Wilhelm Dabu Soriano, para talakayin ang mga kaukulang batas sa karapatang pantao.
“We have over 20,000 police officers on the ground, the need to keep abreast ourselves with laws like human rights is crucial in the performance of our job. Our human Rights Law Reorientation Program will start with our field operatives and the rest will follow. We welcome the help from our stakeholder for extending us their expertise. Our illegal drug campaign should be and must be a whole government approach from LGUs to volunteer groups,” sabi ni Albayalde.
Maganda ang layunin ni Gen. Albayalde na gawing pinakaligtas na lugar ang Metro Manila sa lahat ng bagay. Ayon sa kanya, “NCRPO will lead the way in making Metro Manila the safest place to live, work and do business.
Remember, Metro Manila will be the showcase of the change that the President promised to the Filipino people and NCRPO will be instrumental in translating that promise to reality.”
Noong magsagawa ng courtesy call ang NCRPO Press Club kay Gen. Albayalde bilang bagong NCRPO Director ay nakita namin kung gaano siya kadeterminadong linisin ang Metro Manila sa krimen lalong-lalo na ang droga.
Nakita rin namin kung gaano siya kabait at kakalog pero pagdating sa trabaho ay talagang trabaho, kahit sino pa ang kanyang kaharap.
Taliwas sa sinasabing mailap ito lalo na sa mga taga-media ay hindi po totoo. Sa katunayan ay game na game itong si Gen. Albayalde sa pakikipagkulitan sa anomang interview ng mga taga radio, TV at print reporter. LILY’S FILES/LILY REYES