PARA ito sa kaalaman ni Agriculture Sec. Manny Piñol.
Hiling ng mga magsasaka na sana ay tulungan sila na maipatapos ang kanilang irigasyon na sinimulan ng “malupit sa korapsyon” na rehimeng nagdaan.
Sec. Manny, ayon sa mga magsasaka ng Tabuk, Luna at Sta. Marcela ng Apayao sa rehiyon ng Cordillera.
Nagpondo ang nagdaang administrasyon ng mahigit na P400-milyon para ayusin ang Upper Chico Irrigation Project hindi ito natapos sa panahon na dapat mangyari.
Sa kabuuan, ang nagawa ay tanging 39% ang natapos at hindi na umano binalikan ng “kasabwat” na kontraktor.
Dahil sa nangyari, dumating ang tag-ulan, nagiba ang main canal hanggang lubusan na dumausdos ang lupa!
Nagsumbong sila sa DA Central Office pero taingang kawali lang daw ang sagot sa kanila mula sa tanggapan ni Kalihim Proceso Alcala.
Nabigo na sa kanyang kayabangan na maibabalik tayo bilang rice exporter ay puro korapsyon lang pala ang kayang gawin!
Mayroon ding mga dating tauhan ng Kawanihan ng Agrikultura ang nagsabi na hindi lang iyon ang pagnanakaw ng nagdaang rehimen. Ipinaabot sa BALETODO na nagpasa raw ang opisina ni Alcala para sa malawakang paggawa ng mga “farm-to-market-road” sa halagang mahigit P400-milyon.
Nailabas ang nasabing pondo pero ni isang dangkal ng nasabing proyekto ay walang ginawa. Sabi ng taga-loob, sobrang lakas daw ng project manager hindi lang kay Procy Alcala kundi sa kulto, este partidong dilawan?!?
Katulad din ng natuklasan kamakailan ni Secretary Piñol sa animal dispersal program ng Kagawaran, namigay sila (Alcala) ng kambing para sa proyektong gatasan.
Ang masakit na totoo, ni hindi umano makapuno ng maliit na bote ng softdrinks ang mga tisoy na kambing pero maliban sa overpriced ay matatanda na ang mga hayop!
Sa kanilang briefing na nagkataong narinig ko ang mga ulat ng iba’t-ibang hepe, nakalulungkot ang estado ng mga magsasaka.
Mayroon ngang sapat na pondo pero parang madyik, naubos daw, nawala pero wala rin ang tukoy na proyekto. Masyado na ring luma ang kanilang pagsusuri at pagsukat sa lupa para malaman kung ano ang tamang halaman ang itanim.
Nakalulungkot, mahuhusay ang mga tauhan at opisyal ng DA pero dahil sa malalang katiwalian at korapsyon, nabansot ang lahat ng pagpapasulong sa buhay ng ating mga magsasaka!
oOo
Sa inyong opinyon at sumbong, ipadala sa eduardoverzola@yahoo.com. BALETODO/ED VERZOLA
