NOONG nakaraang gabi, namutawi ang “My heart bleeds for Oca Malapitan” sa bibig ng aking bunsong si Kayla, 13-year old.
Para sa batang tulad niya na inakala kong walang muwang sa pulitika, ang naging reaksiyon ko’y nagulat at nagitla.
Curious, tinanong ko kung bakit naaawa siya kay Oca Malapitan. Tinatakpan kasi ang mga poster, ang sagot ng aking bunso.
A day after, nasaksihan pala ni Kayla ang pagtatangka ng isang grupo na takpan ang posters ni Malapitan sa Morning Breeze.
Hindi natuloy ang tangka ng ‘di kilalang grupo nang ipakiusap ng kanyang Kuya Nico na huwag takpan ang mga (Malapitan) poster.
Pero, ilang araw na ang nakararaan, nagkwento rin si bunso tungkol sa binugbog na tao ng kongresista na napanood sa TV 5.
Napakinggan din niya, aniya, sa radio ang panunutok ng baril ng mga armadong kalalakihan sa isang supporter ni Malapitan.
Nakalulungkot na ang tulad ni Kayla ay maagang tumatak sa isipan ang maling kaganapan ng eleksyon sa lugar ng sinilangan.
Ang nakikitang maruming politiko ay mag-iiwan tiyak ng dagok na dadalhin habang buhay, unless mabago ang kalakaran ng pulitika sa Caloocan.
Ngunit imbes na pagbawalan, na-impress ako sa pagkakaroon ng interes ni bunso sa mga nasasaksihang maling ‘style’ ng pulitika sa lungsod.
Nangangahulugan lamang na sa kanyang murang edad, napaagang natanim sa utak ang marungis na mukha ng pulitika.
Tatanda rin siya at darating ang araw na magiging botante para piliin ang gustong maging lider ng Caloocan (kung residente pa siya ng lungsod).
Napag-iwanan na ng mga karatig lungsod ang Caloocan dahil sa ‘di maayos at maruming takbo ng pulitika sa lungsod.
Sa darating na May 13, pipiliin na naman ang magiging Ama ng Caloocan sa susunod na tatlong taon. Sana, yaong tamang mayor na ang maluluklok.
Dahil kapag ang napili ay ang ‘di karapat-dapat, baka marinig ko na namang masambit ng aking bunso ang katagang “My heart bleeds for Oca.”