PATULOY ang ibinibigay na pagkilala sa Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa na pinamumunuan ni Mayor Jaime Fresnedi matapos na pumasok ito sa 10th Overall Ranking ng National Competitiveness Council’s City and Municipalities na ginanap sa Philippine International Convention Center noong nakalipas na July 14.
Kabilang sa mga pinagbasehan sa pagbibigay ng karangalan ang tatlong kategorya gaya ng Economic Dynamism, Government Efficiency at Infrastructure na pinangasiwaan ng Regional Competiveness Committees na inasistihan ng United States Agency for International Development.
Samantala, nagsagawa naman ng extensive clearing operation ang city hall sa mga kalsada ng Alabang para maging maayos ang daloy ng trapiko at lalakaran ng mga tao.
Ang hakbang na ito ni Mayor Fresnedi ay bilang sagot sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang lahat ng kalsada para magamit ang ipinagawang footbridges sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Layunin din nitong maging ligtas ang lahat ng motorista at pedestrian sa kanilang araw-araw na pagdaan sa mga pangunahing kalsada ng Muntinlupa City.
Pinangunahan din ni Mayor Fresnedi ang inagurasyon ng MRH Multi-Purpose Covered Court sa Soldiers Hills sa Brgy. Putatan noong June 8, 2016 na magagamit ng mga nakinabang sa socialized housing project ng lokal na pamahalaan.
Sa laban sa iligal na droga, sumuko sa police department ang 257 na drug pusher at user at nangako ang mga ito na tuluyang magbabagong-buhay at hindi na muling babalik sa kanilang mga bisyo.
Kabilang sa mga nagtulong-tulong sa programang ito ang Philippine National Police, Drug Abuse and Control Office at Barangay Anti-Drug Abuse Council at may 264 bahay na ang napuntahan na kasama sa kanilang intelligence report.
Nagpaliwanag naman ang mga kinatawan ng Maynilad Water Services, Inc. sa Muntinlupa City Council hinggil sa mga reklamo ng mga kostumer dahil sa kawalan ng suplay ng tubig sa lungsod at iba pang karatig na lugar sa Metro Manila South area.
Ayon sa MWSI Business Area Operation head, nangyari ito sa Metro Manila South area dahil na rin sa pagkakaroon ng problema sa pag-filter ng tubig na nagmumula sa Laguna Lake.
Nangako din ang mga ito sa Sangguniang Panlungsod na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para hindi na maulit ang pagkawala ng suplay ng tubig sa naturang lungsod at mga karatig na lugar nito. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
