SUMUKO na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. isa sa mga local executive na isinasangkot sa malawakang drug operation.
Mabuti’t sumuko ang alkalde dahil – kung hindi – siya’y mahahanay sa listahan ng mga drug personality na ‘pantay na ang mga paa’.
Ngunit kung si Mayor Espinosa ay sumuko na, ang kanyang anak na si Kerwin na tinuturing nang isang druglord ay nagtatapang-tapangan pa.
Kaya ang matinding babala ng galit na galit nang si PDG Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa nagtatago pang si Kerwin – ‘surrender or die’.
Basta’t droga, tila sintigas ng ‘bato’ ang paninindigan ni Gen. Dela Rosa na gawin ang nararapat para masolusyonan ang drug problem sa bansang Pilipinas.
Pero matapang man sa salita at brutal sa mga halang ang kaluluwa, pusong mamon naman ang tinatawag na ‘Gen. Bato’ ng Pambansang Kapulisan.
Noong Martes, Agosto 2, nasaksihan ko kung paano magbitaw ng maaanghang na salita ang heneral habang kinokomprota ang sumukong si Mayor Espinosa.
Pagkatapos kay Espinosa ay hinarap naman ni Gen. Bato ang mga bisita na dumulog sa kanyang opisina – sa Office of the Chief PNP.
Dito ko napansin ang pagiging mababang loob ng heneral na humihingi pa ng pasensya sa mga idinudulog sa PNP na ‘di kaagad naaaksyunan.
Sa tagal ko ring nag-cover sa Camp Crame, ngayon lang binuksan sa publiko ang ‘Office of the chief PNP – na ang PDG ay si Gen. Bato.
KORONA NG PATAY
Araw-araw ay usap-usapan sa Quezon City Police District (QCPD) ang matinding operasyon ng kapulisan laban sa mga drug pusher at adik.
Pero noong nagda-ang mga araw ay na-shift ang usapan mula sa drug operation sa ‘korona ng patay’ na ipinadala kay QCPD director Col. Guillermo Eleazar.
Sa mga istasyon ng pulisya at maging sa mga barangay, tema ng huntaan ang death threats na ipinaparating sa liderato ni Col. Eleazar.
Ngunit sa kabila ng mga death threat, ang QCPD ay hindi hihinto sa ginagawang giyera laban sa salot na droga, pahayag sa atin ng colonel.
Tulad ni Gen. Bato, mala-bakal din ang paninindigan nitong QCPD chief na gawin ang lahat para maresolba ang problema ng droga sa buong Quezon City. CHOKEPOINT/BONG PADUA
