BASAHIN natin ang isang text message mula sa isang barangay kapitana sa Tondo na ayon daw sa Department of Interior and Local Government, ang gagamiting resibo sa paniningil kada jeep ay ang resibo galing sa City Hall.
Ipinaliwanag pa ng DILG na may binigay na raw sila na resolution at kabilang sa nakasaad dito ang pagbabawal ng pagdadala ng attorney sa paglutas sa mga gusot at tanging sa barangay lang dapat pag-usapan ang anomang gusot.
Basahin natin ang text message ng barangay kapitana:
Magandang umaga po, Sir Johnny. Ang sabi po ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang resibo ng city hall ang siya pong gagamitin ng barangay namin sa paniningil ng parking sa bawat jeep na nakaparada sa aming nasasakupang barangay upang maisaayos namin ang tamang pagparada ng mga ito.
Sa pagparada po ng mga jeep ay nag-iisyu kami ng resibo at sinusunod lamang namin ang ibinigay na resolution ng DILG at ipinaliwanag din sa amin ni Sir Nelson ng DILG na bawal ang magdala ng attorney dahil tanging sa barangay po talaga lang pag-uusapan ang anomang gusot.
Si Manila Mayor Erap Estrada ay ayaw niya ang terminal sa kalsada dahil ang kalsada po ay pag-aari ng gobyerno. Dapat, sir, ay gawin natin itong loading at unloading area at passing thru at huwag po nating abusuhin ang kalsada dahil ito ay secondary road ng barangay.
Kung gusto nilang magpa-park o magpa-terminal ay bumili sila ng sarili nilang lupa at saka i-apply sa business para ligal.
Ang reklamo ng residente namin ay sila ang nagbabayad sa city hall. Bakit daw ang mga jeep na taga-ibang lugar ang kumukuha ng butaw na pinangungunahan ng isang malakas o mapuwersang sindikato?
Umaasa ako, Sir Johnny, na mailalathala ninyo muli ang text message ko pong ito.
Maraming salamat po. Mabuhay po kayo!
ENGINEER NA GAMBLING OPERATOR
Dumako naman tayo sa Region-I, sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan.
Mabubungaran ninyo sa bayan na ito, malapit sa Public Market, ang puwesto pijo ng drop ball ni Engr. Flores na tila wala siyang ipinananakot kundi si Mangaldan Mayor Bona Fe de Vera-Parayno.
Magdamag na nakabukas ang sugalan na ito ni Eng. Flores dahil kalimitan na mga parokyano niya ay pawang drug addict at mga kabataan na nagugumon sa sugal.
‘Di ba astig si engineer?
***
Anomang puna o reklamo, i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA