HINDI sumipot si Pangulong Duterte sa tradisyonal na photo-shoot ng mga lider ng bansa na kasapi ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) noong Linggo sa Lima, Peru.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, “masama ang pakiramdam” ni Pangulong Duterte kaya si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay ang humalili sa kanya sa sama-samang pagpapakuha ng litrato ng Asian leaders.
Masama rin daw ang pakiramdam ng Pangulo nang hindi rin siya makasama sa APEC gala dinner noon namang Sabado.
Bukod sa katwirang “masama ang pakiramdam”, hindi natin alam ang iba pang dahilan ng Pangulo upang “iwasan” ang dalawang mahalagang okasyon sa APEC.
Ang hinala lang natin ay naaalibadbaran si Pangulong Duterte sa tuwing nakikita si Pangulong Barack Obama ng Amerika kaya siya umiiwas.
Pati si Kris Aquino ay naindiyan ni Duterte sa sana ay pag-guest sa isang programa ng utol ni PNoy nang minsang sumama rin daw ang pakiramdam ng chief executive.
Kung sa bagay, hindi naman mahalaga ang paggi-guest ni Duterte kay Kris. Mabuti ngang hindi siya dumalo dahil pagsasayang lang ito ng oras. Wala naman kasing mawawala kung hindi niya siputin si Tetay.
Pero hindi naman yata tama na ikatwiran palagi na “masama ang pakiramdam” ng Presidente.
Baka ito ang maging dahilan na intrigahin na naman siya ng mga kritiko niyang “dilawan.”
Sasabihin ng mga ito na sakitin na siya at “unfit” para ipagpatuloy pa ang pangungulo sa bansa.
Aba’y matutuwa si VP Leni Robredo. Mapapaaga ang pangarap niyang maluklok sa Malakanyang.
Hindi na niya gagamitin ang Marcos burial para manawagan sa taongbayan na mag-aklas tungo sa panibagong people power. Pwe!
Ano ba talaga ang totoong iskor hinggil sa kalusugan ng Pangulo?
Bakit nga ba “sumasama ang kanyang pakiramdam”…parati?
Mahalaga itong malaman ng sambayanan, lalo’t minsan niyang ipinahiwatig na tumatanda na siya at hindi na magtatagal.
Idagdag pa ang kanyang pagmamadaling gawin nang Federal ang sistema ng pamahalaan sa pagnanais niyang makapagbitiw na sa puwesto.
Ano po ba talaga, mga kuya? KANTO’T SULOK/NATS TABOY

