‘DI dapat payagan ni Philippine National Police (PNP) chief Director-General Ronald “Bato” Dela Rosa na masayang ang tagumpay ng nationwide anti-illegal drugs campaign na “Oplan Tokhang” dahil sa kagaguhan ng iilang pulis.
Ilang porsyento lamang ng PNP rank and file itong “hoodlums in uniform” na lumilinya sa “hulidap” o kidnap-extortion activities.
Walang pinag-iba ang mga hayup na ito sa Abu Sayyaf Group.
Isang halimbawa ng kanilang gawain itong pagkidnap sa isang Korean businessman na kanilang kinatay agad sa loob pa mismo ng Camp Crame.
Pagkatapos ay kinikilan pa ang pamilya ng biktima ng P5-milyon bilang ransom o kapalit ng buhay nito.
Natural, si General Bato ang under fire sa karumal-dumal na krimen na ito kay Jee Ick Joo kaya pinananagot ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang PNP chief. “The murder happened right under his nose,” ani Alvarez.
Ngunit ‘di na kinakailangang magbitiw si Bato, ayon kina Senate President Koko Pimentel at Sen. Ping Lacson basta siguruhin na masibak at maparusahan ang mga salarin.
Ang mga hulidap cop na ito ay matagal nang rumaraket, lalo na ang mga naka-assign sa anti-illegal drug units ng PNP. Masasabing pinagpala sila dahil sandamukal na salapi ang kanilang nakikikil sa druglords, drug dealers, and drug users.
Ang problema, binibiktima rin nila ang mga inosenteng tao.
Kung walang sapat na ebidensya laban sa kanila, ipatapon mo ang mga scalawag na ‘yan sa war zones. Replace them with young guns to go after the remaining druglords and drug trafficker henchmen.
Sampolan mo na ang mga anay na ‘yan, general!!! DEADSHOT/ERWIN TULFO
